Translate

Miyerkules, Oktubre 12, 2011

Reaksyon kay Macoy


Reaksyon sa Pitak ni Ka Ambo sa Pahayagang Bulgar
Patungkol kay Macoy
ni John Lerry C. Dungca

                Marami sa makabagong henerasyon ang hindi na alam ang istorya ng sinasabing diktadorya ng rehimeng Marcos, kung may alam man, siguradong ito’y dikta lamang ng huwad na kasaysayan. Bilang isang simpleng kabataan na uhaw sa kaalaman, masasabi kong isang napakalaking rebelasyon ang mga pahayag ni Ka Ambo sa kanyang tipak sa pahayagang Bulgar patungkol sa naging buhay at karanasan niya noong panahon ni dating Pangulong Marcos. Sa limang magkakasunod na artikulo na isinulat ni Ka Ambo, ilang mahahalagang punto ang aking gustong bigyang-pansin. Una na rito ang di umano’y panloloko sa makabagong henerasyon patungkol sa kasaysayan ng bansa noong panahon ni dating Pangulong Marcos. Kapansin-pansin na mayorya sa mga naisulat na akda ng kasaysayan ang nagsasabing ang pinakapangit na yugto  ng ating bansa ay nangyari at pinamunuan ng mga tao sa loob ng panahon ni Marcos. Sumunod ang hindi pagkokonsidera ng mga pampublikong estraktura bilang ambag ng rehimeng Marcos at kung kikilalanin man, mas minamabuti pa nilang palitan ito ng bagong mga katawagan at kung minsan, personal na inaatake ang hiling na pondo para sa mga tao at mismong pagpapatakbo rito.

                Maraming simpleng bagay ang minsan ay naging napakahalagang bagay sa isang simpleng mamamayan na ambag ng rehimeng Marcos. Tulad na lamang ng palikuran na isa sa pinondohan ng administrasyon. Kung ating titignan, isang napakasimpleng bagay lamang ang pagkakaroon ng palikurang ngunit para sa isang komunidad na salat sa ganitong pangangailangan, isang biyayang bumagsak mula sa langit ang pagkakaroon nila nito.

                Ang sa akin lang naman, bakit patuloy na sinisira at pinagtatakpan ng mga historyador ang tunay na pangyayaring naganap noong panahong iyon? Dahil ba sa limitasyon na sa kanila’y sumusupil hinggil sa pagpapablisa ng mga sulating magbubukas ng kamalayan ng mga mamamayan? O baka naman nauutusan ang mga taong ito at nagkakaroon ng karangalan dulot ng kanilang pagtatanggol at pilit na pagpapaangat sa pedestal sa isang huwad na bayani?

                Ang pamahalaang ito ay tunay na mapanlinlang, bakit? Nagiging tama ang isang bagay kapag ang nasa may kapangyarihan na ang siyang nagsalita. Sa ngayon ay unti-unti nang nakikita ang kakaibang ganda na naidulot ng sinasabing pinakapangit na yugto ng bansa. At sa hinaharap, inaasahan naming mga kabataan ang tunay na kasaysayan na maaari naming sambitin ng paulit-ulit sa aming mga pamamanahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento