#Perspective
Place: Chiaki's crib
Minsan iba ang nakikita natin sa salamin sa tunay na nakikita ng mga tao sa atin...
Kalokohan ni JL ]:-)
Translate
Martes, Abril 28, 2015
Miyerkules, Oktubre 16, 2013
Si Lance at ang Kanyang Pitong Kaibigan
Si Lance at ang Kanyang Pitong
Kaibigan
JL Dungca
Walang
taong walang kaibigan, mga katagang lahat naman sa atin ay naniniwala. Hayaan niyo
akong ikuwento sa inyo kung sino-sino ang aking mga kaibigan, maaari ba?
Si
Mark ay palaging may kakaibang pagkilala sa mga tao sa kanyang paligid. Hindi
mahalaga sa kanya ang personal na pakikipag-usap bago siya makapagbigay ng
anumang persepsyon sa kanyang kapwa. Mahilig siyang mamuna ng mga bagay-bagay
base lamang sa panlabas ng kaanyuan ng isang tao at sa kasamaang palad, ito rin
ang nagdala sa kanya sa kapahamakan. Minsan niyang sinuri ng tingin ang isang
tambay at agad siya nitong grinipuhan.
Si Ann naman ay maykaya sa buhay,
kaya naman lumaking hindi sanay sa mabahong kapaligiran. Anumang lugar na
kanyang pupuntahan ay may kaakibat na agarang pag-uusisa patungkol sa kung
anong amoy mayroon sa lugar na iyon. Minsan siyang napadaan sa gilid ng
basurahan sa isang kalsada at agad na nasambit ang mga katagang tunay ngang
sumasalamin sa kanyang pag-uugali at dahil sa gawing ito ng dalaga, isang
matinding pambabato ang itinugon sa kanya ng mga namamasura.
Ang isa ko pang kaibigan ay si Lisa,
deretso kung magsalita, kaya naman nagkaroon siya ng kalayaang sabihin sa mga
tao ang anumang gusto niyang sabihin sa mga ito. Isang araw, nagkaroon sila
nang matinding pag-aaway ng kanyang kaibigan kaya nasambit niya ang lahat ng
gusto niyang sabihin dito lalo na ang mga masasakit na salita. Kinabukasan, isang
liham ang kanyang natanggap mula sa himpilan ng pulisya.
Sumunod ay si Anthon, isang
palakaibigan na tao, itinuturing din siyang matalik na kaibigan ng ilan.
Nasasabihan ng mga problema at higit sa lahat, mga sikreto na sila lamang dapat
ang nakaaalam. Kaso sa hindi inaasahang pagkakataon, may kung anong pwersa ang
nagtulak kay Anthon na sambitin sa iba ang mga sikreto na nasabi sa kanya at
ito ang naging hudyat upang lumayo sa kanya ang kaibigan.
Isa sa pinakasusubaybayan kong
kaibigan ay si Jeff , isang binatang produkto ng kahirapan, maituturing din na
palakaibigan ngunit malimit na hindi nagtatagal ang pagsasamang nabubuo dahil
ang kanyang mga kaibigan ay itinuturing niyang “kayamanan”, natuto siyang
manguha ng mga gamit sa mga ito dahil sa kakapusan na nararanasan.
Si Andres ang isa sa pinaka-kinaiinggitan
ko sa lahat ng aking mga kaibigan, kaya niyang pumunta sa mga lugar na nais
niyang puntahan ng walang humahadlang sa kanya. Ngunit isang gabi, nagulat na
lamang ako nang mapanood sa isang balita na nahuli siya sa aktong gumagamit ng
ipinagbabawal na gamot, labis ang aking pagtataka dahil ni minsan ay hindi ko
naman inakala na may koneksyon at kakilala pala siya sa ganoong klaseng lugar.
Huli na nang aking mapagtanto na hindi ko pala nasubaybayan ang paglalakbay na
ginawa ng kaibigan kong si Andres.
Bilang panghuli, si Alex, ang
kaibigan kong ipinaglihi sa pandesal. Kinahiligan niya ang pagpapaganda ng
katawan magmula pa noong kami ay nasa kolehiyo. Kaya ito rin ang naging dahilan
kung bakit itong kaibigan kong ‘to ay habulin ng mga kadalagahan saan man siya
magpunta. Ang angking kakisigan din ni Alex ang naging dahilan kung bakit siya
ngayon ay may apat na anak na. Sa kasamaang palad, ang lahat ng ito ay pawang
mga panganay.
Sila ang aking mga kaibigan, may mga
pagkakataon na mapagkakatiwalaan ko sila pero may mga pagkakataon din namang
hinahayaan ko lamang na gawin nila kung anuman ang nais nila. Pero sa huli’t
huli, masasabi kong ang ating mga kaibigan ay repleksyon lamang kung sino
talaga tayo. Lahat tayo ay may kalayaan para sabihin sa ating mga kaibigan na
mali o tama ang kanilang mga ginagawa at higit sa lahat, ang pananagutan na
sisihin ang ating mga sarili kung ang ating mga kaibigan ay nasadlak sa hindi
kagandahang sitwasyon.
IKAW, anong klaseng kaibigan me’ron
ka?
Paggising sa Natutulog na Kamalayan
Paggising
sa Natutulog na Kamalayan
ni JL Dungca
“Ang edukasyon
ay hindi naituturo, bagkus natututunan”
- Ateneo de Zamboanga University
Nagsimula
ang lahat sa isang simpleng tanong, bakit ako nasa paaralan? Bakit kailangan ko
pang mag-aral? Tanong naang ilan sa atin ay agarang makasasagot ng “Simple
lang, para mag-aral”. Mahigit isandaang
taon na nating isinasabuhay ang konsepto ng pagkakaroon ng edukasyon ng lahat
ng tao sa bansa ngunit malinaw ba talaga sa atin ang dahilan kung bakit natin
ito kailangang isama bilang bahagi ng ating
buhay.
Tunay ngang malaki ang pakinabang ng
edukasyong natamasa ng isang tao lalo na sa pagsapit niya sa kanyang
propesyunal na buhay. Madali niyang naisasapraktika ang mga kasanayang nalinang
sa kanya noong siya ay nag-aaral pa at walang kahirap-hirap na nagagawa ang mga
bagay na naiatang sa kanya. Sa madaling salita, ang edukasyon ang naghahanda at
nagiging bala ng isang tao sa oras na siya ay humarap na sa tunay na laban ng
buhay, ang buhay propesyunal.
Nag-aral Ako!
May mga mag-aaral na nakukuntento sa
kung ano ang mga nangyayari sa kanya sa loob ng paaralan. Nakikinig sa kung
anong mga aralin ang ibinibigay ng kanyang guro at ginagawa ang mga kahingian
na tutugon sa mga pangangailangan ng kanyang kinukuhang asignatura. Sila ang
mga mag-aaral na malinaw ang konsepto kung bakit sila pumapasok araw-araw, ito
ay para mag-aral.
Natuto Ako!
May mga mag-aaral na tinitignan ang
kanilang pangaraw-araw na karanasan sa loob ng paaralan bilang bahagi ng
kanilang gagamiting sandata sa hinaharap. Malimit makita sa mga mag-aaral na
ito na kahit na hindi gaanong tumatalim sa kanilang isipan ang mga espesipikong
salita kaugnay sa mga aralin ng kanilang guro ay nagkakaroon sila ng kakayahang
lumikha ng sariling konsepto upang maipakita pa rin na sila ay tunay na
nagbigay-halaga sa oras na inilaan sa kanila ng kanilang guro; sila ang mga
mag-aaral na natututo.
Nag-aral vs. Natuto
Ayon sa prinsipyong pinaniniwalaan
ng Ateneo de Zamboanga University, naniniwala ang institusyon na malaki rin ang
ginagampanan ng isang mag-aaral para sa kanyang edukasyon. Ilagay na lamang
natin sa buhay ng isang guro, masasabi natin na kahit kumpleto sa kahandaan at
kasanayan ang guro subalit ang ilan sa kanyang mga mag-aaral ay hindi handang
matuto; maaaring magkaroon ng balakid ang una para iparating ang lahat ng
aralin sa kanyang mga mag-aaral.
Ang pagkakaroon ng pagtutulungan sa
pagitan ng guro at mag-aaral ay sadyang kailangan upang makamit ang tunay na
hangarin ng edukasyon at masabing ang isang mag-aaral ay hindi lang basta
nag-aral bagkus siya ay natuto.
Nag-aral ka Lang, Hindi ka Natuto!
Ang kakayahan ng mga mag-aaral na
isabuhay ang mga kaalamang naituro sa kanya ng kanyang guro ang pinakamagandang
regalong kaya niyang ibigay dito. Ang paggamit sa mga nalinang na kasanayan at
pagbabahagi ng mga kaalaman sa iba ang magpapatunay na ang edukasyon ay tunay
na bahagi ng buo nating buhay at hindi lamang sa ilang taon na inilagi natin
dito.
Ang buhay ay isang napakalaking
paaralan, may kaakibat na pagkatuto sa bawat pagtahak natin sa buhay at ang
pagsasabuhay sa mga pagkatutong ito ang magpapakilala sa atin bilang isang
tunay na nilalang na may pagkatuto.
Biyernes, Hunyo 7, 2013
Kalbaryo ng Kabayo
Kalbaryo ng Kabayo
Nabuhay
ka, kabayong may angking katangiang
tutulong
sa pagharap sa isang mundong ‘di tiyak ang katangian.
Patuloy
na lumaki upang galugarin
Ang
iyong natatanging kalikasan.
Sumuong
ka, sumuong sa kabundukang
kayang
punan ang iyong pangangailangan.
Lugar
na magtatakda ng iyong
sariling
kapalaran.
Humanga
ka, humanga sa mga nagtatayugang punong
nagbibigay-
lilim sa mga nilalang init ang kahinaan.
Sumabak
ka, sumabak sa mga naglalakihang batong pilit
na
nanlilinlang sa iyong tunay na tunguhin.
Napagod
ka, napagod sa kilo-kilometrong
paglusong-
paglakad na paulit-ulit
na
umuubos sa iyong likas na kalakasan.
Nakinig
ka, nakinig sa paulit-ulit na awit
na
nagpapatunay na isa ka ngang may saysay na kabayo,
umawit
kasabay ng iyong natatanging dalangin.
Nasaktan
ka, nasaktan sa sugat na hatid ng isang katotohanan,
katotohanang
may hangganan din
ang
iyong kakisigan.
Nagpatuloy
ka, nagpatuloy sa pagpapaanod
sa
sitwasyong laganap nab ago ka pa man
isilang.
Sitwasyong
pinangkakarera ng mga huwad na hinete
na
muling maglalapastangan sa iyong bagong buhay.
Umawit
ka, umawit kasabay ng pangakong tatakbo
nang
naaayon sa gusting tahaking landas,
Landas
na magrerenda sa iyo sa tunay na kapayapaan
at
ng iba pang kabayo sa kabundukan.
-
06/
02/ 13 Sampaloc, Quezon
Biyernes, Marso 30, 2012
Anak nga ba ni Dr. Jose Rizal si Adolf Hitler? (Teorya)
Anak nga ba ni Dr. Jose Rizal si Adolf Hitler?
(Isinalin ni JL Dungca)
i-HIGH LIGHT ang teksto para makita ang mga tagong mensahe]:-)
i-HIGH LIGHT ang teksto para makita ang mga tagong mensahe]:-)
Si Adolf Hitler ay totoong anak sa labas ni Dr. Jose Rizal. Ito pa ang
isa sa nakatutuwang bagay na aking narinig. si Mao Zedong ay anak rin sa labas
ni Dr. Rizal. May pinagkaiba ba? ang sigurado ako "Naks! kaya ng
Pinoy".
Ngunit,
ang dalawang teoryang ito ay nakakatawa, hindi ko nga maisip na itanong ito sa
ibang tao upang mas patotohanan pa ang mga pagkakaugnay ng "Der
Fuehrer" at ng "Great Helmsman" maging
ang mga kasalukuyang mag-aaral ay hindi magawang
magtanong tungkol sa nakakatawang haka-hakang ito kaya narito ang ilang sa mga
pangyayaring maaaring mag-ugnay kina Dr. Rizal at Hitler bilang mag-ama.
Ang
isyu tungkol sa sinasabing anak ni Dr. Rizal si Hitler ay maaaring ibatay sa
mga sumusunod na KATOTOHANAN:
* Ipinanganak si Adolf Hitler noong Abril 20, 1889
(nangangahulugang nabuo (sinapupunan) siya noong Agosto, 1888), sa maliit na
bayan ng Braunau, malapit sa hangganan ng Germany at Austria.
* Ipinanganak at nanatili siyang Austian hanggang Dekada
'30.
* Klara Polzl ang pangalan ng kanyang Ina.
* Minsa'y naging kasambahay sa Vienna.
* Laging kinikilala ni Hitler ang lugar ng kanyang kapanganakan, ang
bayan ng Linz sa Austria (tinawag niya itong "my home-town of Linz on the
Danube" sa kanyang politikal na pahayag).
* Si Gustav, pinakamatandang kapatid ni Hitler, ay ipinanganak noong
Mayo 17, 1885, at ang kanyang ate na si Ida na ipinanganak noong 1886 ay
parehong namatay bago pa man ipinanganak si Adolf.
* Bavaria ang tinaguriang "Cradle of Narzism".
* Ang bansang Japan ay ginawang isa sa mga "axis power" ng
Narzism, at minsan sinubukang patunayan na sila ay mga Aryans para makasama
lamang sa tinatawag nilang "Master Race".
Ngayon pagsamahin ang mga tala sa itaas sa mga nakalistang tala mula sa
buhay ni Dr. Rizal:
* iniwan ni Rizal ang Pari noong Pebrero 1, 1886 para pumunta sa
Germany. nagtungo siya sa Heidelberg,
Wilhlmsfeld, Munich (sa Bavaria), at sa hangganan ng Germany at Austria.
nagtungo naman siya sa Leipzig noong Agosto 9, 1886 (bumisita sa iba pang
lungsod sa Germany, ayon sa ilang aklat), nakarating noong Agosto 14 at noong
Oktubre, nagtungo naman siya sa Dresden at pagkatapos, sa Berlin.
* Natapos niya sa Berlin ang Noli Me Tangere, isa sa mga tauhan nito ay
si Maria Clara.
* Sinimulan niya ang kanyang paglilibot sa buong Europa noong Mayo 11,
1887. nakapunta siya sa Dresden, Teschen (ngayon ay Decin sa Czech Rep.),
Prague, at sa Brunn (kung saan niya nawala ang kanyang "diamond stickpin"), sa Vienna (kung saan naibalik
sa kanya ng isang kasambahay ang kanyang "diamond stickpin" sa hotel
na kanyang tinuluyan sa Brunn) sa Austria.
* Noong Mayo 24, 1887, umalis siya ng Vienna sakay ng
bangka upang makita ang ilog ng Danube (sa bangka, dito siya unang nakakita ng
tissue). nagtapos ang kanyang biyahe sa Linz.
* Mula Linz, nagtungo siya sa Munich (kung saan
nagtangkang bumuo ng kilusan si Hitler noong 1923) at Nuremberg (lugar kung
saan nagaganap ang pag-aaklas ng mga Nazi at mga pagdinig sa korte), at iba
pang lungsod sa Germany.
* Nasa Imperyo ng Aleman si Rizal at minsan lumalabas
din sa hangganan ng Germany at Austria, mula Pebrero 1886 hanggang noong
pumunta siya sa Switzerland noong Hunyo, 1887.
* Muliing bumalik ng Europa si Rizal mula Mayo 24, 1888
hanggang Oktubre 18, 1891, nagpunta siya ng London, Paris, Brussels, Madrid,
Biarritz, Ghent. Nasa Europa siya noong panahon na nabuo (sinapupunan) hanggang
sa ipinanganak si Hitler.
* Noong 1888, nagkaroon ng ugnayan si Rizal sa isang
Haponesa, si Seiko Usui, noong bumisita siya sa Japan. Nagkaroon siya ng isang
anak na babae, si Yuriko na anak ng isang banyaga ilang taon matapos niyang
makilala si Rizal. Si Yuriko ay naikasal sa isang anak ng politiko sa Japan.
Sa pagsasama ng
mga impormasyon sa itaas, maaaring mabuo ang mga sumusunod na kongklusyon; baka
nabuo (sinapupunan) si Hitler noong 1887 nang pumunta si Rizal sa Linz o sa
ibang lugar (tulad ng Brunn- kung saan niya nawala ang "diamond stickpin", at sino ang kasambahay na
nagsauli nito sa blumentritt para ipadala sa Vienna?) malapit sa hangganan ng
Austria at ang mga nakatatandang kapatid ni Hitler ay mukhang hindi totoo, para
pagtakpan ang pagdadalantao kay Hitler. sa madaling salita, ipinanganak si
Hitler bago mag 1889.
O dinadala (conceived) siya
noong Agosto, 1888, nang si Rizal ay pinaghinalaang nasa London, o Setyembre,
1888 noong pumunta si Rizal sa Paris ng halos isang linggo (para makipagkita
kay Klara?) ang koneksyon ni Rizal ay nakasentro sa Linz, kaya minabuting
tumira rito ng pamilya ni Klara (para mabuhay dito ng may inaalalang masasayang
sandali). Kaya iba na lamang ang nararamdamang giliw ni Hitler sa nasabing
lugar.
Bilang panghuli, ang anak ni Seiko Usui ay
hindi talaga anak ng kanyang banyagang asawa (Alfred Charlton), isa lamang
itong palabas. si Yuriko ay anak mismo ni Rizal at alam ito ni Hitler. ito ang
dahilan kung bakit mariin ang pagtanggap ni Hitler sa mga Hapon bilang isa sa mga
"master race" at gawin ang japan bilang kaalyansa ng mga Nazi.ito rin
ang dahilan kung bakit bakit pilit sinasakop ng Japan ang Pilipinas noon.
Sinabi ni Yuriko kay Hirohito noon na mas maa-apprecite ni Hitler kung magiging
alyansa nila ang lugar ng kanilang Ama, at syempre, ang dahilan kung bakit
gustong-gustong maging diktador ni Hitler sa Germany ay dahil dito ginugol ng
kanyang Ama ang ilang mahahalagang taon ng kanyang buhay.
Ito siguro ang dahilan ng
pagsulpot ng teoryang ito dahil na rin sa mga impormasyong makikita sa mga
aklat ng High School tungkol kay Rizal at sa ilang magagandang nasulat tungkol
sa talambuhay ni Hitler. maaari lamang itong ikonekta gamit ang mga piling-piling
mga gamit ng ebidensya, subalit hindi ito makaaambag sa anumang kasaysayan na
nasusulat (?)
Ngayon para naman sa teorya na si Mao Zedong
ay anak din ni Rizal, sa kasamaang palad, ang teoryang ito ay malabong
suportahan ng mga ebidensya. una, si Mao Zedong ay ipinanganak noong 1893 sa
Hunan Province, malapit sa Hong Kong. ngunit, noong panahon na iyon (1893), si
Rizal ay nakapiit sa Dapitan. Pangalawa, mas posible na mas mabuntis ni Rizal
si Klara dahil nasa Europa rin si Rizal noon hindi tulad ngayon na imposibleng
mamangka si Rizal papuntang Hong Kong ng walang nakakakitaNakadaan nga siya sa
Hong Kong noong 1888 at 1891 ngunit hindi nababanggit na bumisita pa siya sa
ibang parte ng China maliban sa Xiamen at Macao, at wala na ngang datos pa na
maaaring laruin patungkol sa teoryang ito.
(Original text in English)
source: http://www.cebutravelsite.com/
Linggo, Oktubre 23, 2011
I-Witness: Don’t English Me!!!
Dokumentaryo ni Howie Severino
Isang Pagsusuri
binagong (modified) balangkas
I.
INTRODUKSYON
Mahigit sa isaandaang taon nang
itinuturo sa mga Pilipino ang Wikang Ingles. Maiuugat ito simula nang sakupin
ng mga Amerikano ang bansa at baguhin ang sistema ng edukasyon noong panahong
iyon. Sinasabing hindi naman talaga mga Amerikano ang unang nagturo ng Wikang Ingles
sa mga Pilipino kung hindi ang mga Briton ngunit dahil na rin sa dalawang taon
lang ang inilagi ng mga mananakop na Briton sa bansa, mas nadominahan ito ng
mga Amerikano. (landmarks) at inakala na sila ang nagpasok ng Wikang Ingles sa
bansa. Sa kasalukuyan, mababakas pa rin ang ilang kadugo (descendants) ng mga
mananakop na Briton-Indian sa ilang komunidad sa Cainta sa probinsya ng Rizal,
sila ay mas kilala sa tawag na Sepoy. Hindi man opisyal, kapansin-pansin na nasa
ilalim pa rin ng bansang Amerika ang bansa gaya na lamang ng pagdepende ng bansa
sa kanilang ekonomiya. Kaya napakalaki na lamang ng pagpupursige ng ilan na
matutunan ng kahit na ordinaryong Pilipino ang Wikang Ingles dahil sa pagtingin
na ang wikang ito ang mag-aangat sa lahat sa kahirapan na kinasasadlakan
magpasahanggang ngayon.
Ayon sa kasaysayan nagsimulang
isulong ang pagpapayabong at pagkilala sa Wikang Filipino noong panahon ni
dating Pangulong Quezon ngunit higit na nakita ang rurok nito sa pagdating ng panahon
ni dating Pangulong Marcos. Nagkaroon ng ilang batas na lubos na nagpaangat sa
Wikang Filipino tulad na lamang ng pagsasa-Filipino ng mga pangalan ng mga
ahensyang pampamahalaan at paglalagay ng
Ingles na katawagan sa ilalim nito. Ipinakikita lamang na buong ideyang
tinignan ni Marcos na ang Wikang Filipino ay hindi kailanmang mapasasailalim ng
Wikang Ingles at sa halip itinaas niya ito dahil naniniwala siyang ang Wikang
Filipino ay dapat na katinga-tingala habang ito ay ginagamit sa buong bansa.
Subalit nang matapos na ang panahon ni Marcos ay unti-unti na ring nabawasan
ang sinasabing pagiging prestiyoso ng Wikang Filipino sa bansa. Nagsimulang magsulputan
ang ilang mga ideya na ang Wikang Ingles ang wika ng mga may alam at ito ang
maghahatid sa bansa sa ganap na kaunlaran. Dahil sa nasirang ekonomiya ng bansa
matapos ang rehimeng Marcos, kinakailangang makakuha ng tulong mula sa mga
negosyante (investors) ang bagong pamahalaan at ang unang nagparating ng tulong
ay walang iba kung hindi ang bansang Amerika. Ang dambuhalang mga negosyo mula
rito ang naging sandalan ng mga Pilipino at dahil sa pagiging mabait ng ating
mga kababayan ay tayo na rin ang umarok (adjust) sa kanilang katayuan. Isa sa
mga kailangan nating matutunan ay ang pagsasalita ng kanilang wika, ang Wikang
Ingles. Kaya napilitan ang pamahalaan na suportahan ang ilang mga institusyon
partikular na ang mga paaralan na isulong ang Wikang Ingles para sa pagtuturo
ng mga asignatura at higit sa lahat, maging ang simpleng diskurso ay isa-Ingles
na rin.
Ang mga pangyayaring ito ang nagbunsod
upang makilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa daigdig na may
pinakamaraming populasyon pagdating sa pagsasalita ng Wikang Ingles. Ngunit
kung ang kahusayan sa pagsasalita nito ang tatanungin, mukhang mahaba-habang
debate ang kailangang pagdaanan.
II.
BUOD
Nagsimula ang dokumentaryo sa
paghahanap ni Howie ng mga karatulang nasa Wikang Ingles at pagtatanong sa mga
tao kung anong kamalian ang maaari nilang mapuna mula sa naipakitang karatula.
Malinaw na sinusubok ni Howie kung gaano kaaral at kabihasa ang mga Pilipino
pagdating sa pagbuo ng mga salita sa Wikang Ingles kasabay na rin sa pagtukoy
sa mga ito. May mga kababayan tayong nasagot kung anumang mali sa mga karatula
ngunit mayorya sa mga tinanong ni Howie ang hindi gaano kabihasa sa pagtukoy sa
tamang gamit ng Wikang Ingles. Sumunod sa ipinakita sa dokumentaryo ay ang
batang si Jayson, ilang beses na siyang umulit sa kanyang pag-aaral ngunit
patulo at patuloy pa rin niyang hindi matutunan ang Wikang Ingles. Pilit na
itinuturo at ibinababa ng antas ng kanyang guro ang patutuo ng Ingles para sa
mas madaling pagkakaunawa rito subalit para kay Jayson isa itong parusa na
kailangang takasan. Sinasabing malaki ang kinalaman ng uri ng pamumuhay ng
isang pamilya sa kagalingan ng isang mag-aaral sa paaralan na kanyang
pinapasukan. Tulad ni Jayson na limang piso lamang ang baon sa eskwela at ang
kanya pang madalas na kainin sa paaralan ay mga pagkaing wala halos sustansya
na makukuha. Sinabi rin sa dokumentaryo na ayon sa mga eksperto, isa sa
pinakamalaking dahilan kung bakit mataas ang drop-out rate sa mga paaralan ay dahil sa wika. Ayon sa bilingual policy ng bansa, grade 1 pa lamang ay kailangan nang
ituro sa bata ang Wikang Ingles kasabay ng pagtuturo sa Wikang Filipino. Ito
ang nagiging problema ng mga bata dahil ang ang wikang gamit sa pagtuturo sa
kanilang ay hindi ang sarili nilang wika tulad na lamang ng mga kababayan
nating mga bisaya,ilokano,bikolano at iba pa. dahil masidhi pa rin ang pagtukoy
nila sa Wikang Filipino bilang Tagalog. Kaya nagkaroon din ng Multilingual Act. ang bansa para tugunan
at bawasan ang suliranin sa pagkatuto ng isang mag-aaral. Sinabi naman ng isang
propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at kilala sa pagsusulong ng Wikang
Filipino na si Jovy Peregrino na maaaring ang may problema sa pagkatuto ng
Wikang Ingles ay hindi ang mag-aaral kung hindi ang tagapagturo mismo nito.
Kung ating susuriin, hindi naman talaga mga tagapagsalita ng Wikang Ingles ang
mga ito bagkus natuto lamang sila (second-language learner) ng wika kaya kung
ituturo man nila ito, wala silang malalim na kaalaman sa kultura at kasaysayan
ng wikang kanilang sinasalita. Ilan din sa pinupunto ni G. Peregrino ay mali na
kapag ginamit bilang midyum ng pagtuturo ang Wikang Ingles sa halos lahat ng
asignatura ay matututo na ng Wikang Ingles ang isang estudyante. Sinabi niya
rin na bakit kahit na isandaang taon mahigit nang ginagamit ang Wikang Ingles
sa Pilipinas ay wala pa rin tayong tinatawag na purong komunidad na Wikang
Ingles lang ang gamit.
Isa sa mga paaralan na gumagamit at
kinikilala ang Multilingual Act. ay
ang Mababang Paaralan ng Lubuagen sa probinsya ng Kalinga. Ayon sa mga guro
rito mas naiintindihan ng kanilang mga mag-aaral ang iba’t ibang asignatura
kung ito ay ituturo sa unang tatlong taon ng kanilang pag-aaral sa elementary
bago nila sundin ang bilingual act. Itinanghal din ang kanilang paaralan
biolang isa sa pinakamagaling na paaralang elementary sa buong bansa. Minsan na
rin nilang itinuro ang mga asignaturang Agham at Matematika sa Wikang Ingles
ngunit hindi ito naging matagumpay na nagbunsod sa pagbagsak para sa
pinakamababang bilang ng mga mahuhusay na mag-aaral sa buong bansa. Sa
kasalukuyan, may mga batas na isinusulong na Wikang Ingles na lamang ang
gamitin bilang wikang panturo sa lahat ng antas ng paaralan sa bansa ngunit
hindi pa rin masasabi kung ang planong ito ay maghahatid ba sa atin ng tunay na
kaunlaran gayon higit na may magpapatunay na epektibo ang paggamit ng
kinagisnang wika sa kaunlaran ng isang indibidwal at komunidad. Maraming debate
pa ang maaaring maganap patungkol sa usapin ng wika sa Pilipinas kaya mahirap
pang isara ang kabanatang ito para sa ilan na tunay na nagmamalasakit sa Wikang
Pambansa.
III.
KAHULUGAN NG PAMAGAT
“Don’t English Me”
Ang “Don’t English Me” sa literal na
pagpapakahulugan sa Filipino ay “Huwag mo ‘kong Inglesin”, sa madaling salita,
kapag nasa bansang Pilipinas ka matuto kang magsalita ng Filipino. Kaya
nahihirapan ang mga kababayan natin na magsalita ng perpektong Ingles dahil
wala sa sinasabing sistema ng kultura, kumbaga sa lahi ay hindi mo kadugo. Kaya
mahirap para tanggapin dahil walang lukso ng dugo na nagaganap sa pagitan ng
Wikang Ingles at tayo mismong mga Pilipino.
IV.
PAGPAPAHALAGA AYON SA NILALAMAN
a. KALAGAYANG
SOSYAL O PANGKABUHAYAN
Masasabing ang Wikang Ingles ay wika
ng mga maykaya sa buhay. Kaya naman kung ang gamit mong wika ay Wikang
Filipino, awtomatiko kang mailalagay sa klasipikasyon ng mga mahihirap nating
kababayan. Itong maling pananaw na ito ang pilit na ikinikintal sa isipan
nating mga Pilipino. Tayo na mismo ang nagpapakumbaba pagdating sa usapin ng
wika. Nagiging mababa ang pagtingin natin sa ating sarili kapag Wikang Filipino
ang ating sinasalita. Katulad na lamang sa pagiging wikang intelekwal diumano
ng Wikang Ingles. Ang sa akin lang naman, hindi ba intelektwal ang mga
nagtuturo ng Wikang Filipino dahil ito ang kanilang tinuturo?
b. KULTURANG
PILIPINO
Ang pagiging mapagkumbaba ng mga
Pilipino ang naging dahilan kung bakit naging mabilis ang pagtanggap ng Wikang
Ingles sa bansa. Dahil ang mga Pilipino ay “ayaw ng away”, tayo na mismo ang
lulugar sa kanilang antas. Ang sa akin lang naman, paano mo isisigaw at
ipakikilala sa buong mundo ang kulturang Pilipino gayong sarili mo ngang wika
na bahagi rin ng iyong kultura ay hirap ka nang ipagtanggol sa iba?
c. PILOSOPIYANG
PILIPINO
Isa sa mga paborito kong konsepto
pagdating sa mga Pilipino ay ang konsepto ni Zeus Salazar na pantayong pananaw,
ang Pang-ako, Pantayo, at Pang-silang Pananaw. Ang pang-akong/tayo pananaw ang
bibigyan ko ng punto. Ang mga Pilipino ay likas na maalam at bukas para sa
iba’t ibang kaalaman, kaya nang ituro at ipasok sa sistema ng edukasyon ng
Pilipinas ang pag-aaral at pagmamasterado ng Wikang Ingles tinanggap ko ito
dahil kaya ko naman. Nakaya kong magsalita at makaintindi ng Wikang Ingles
dahil ginusto ko rin naman. ganito tayong mga Pilipino, kaya natin ang anumang
bagay. Ang sa akin lang, paano ako magiging masterado sa Wikang Ingles gayong
hindi pa ako ganap na mahusay sa Wikang Filipino, hindi ko ba kaya?
d. SIMBOLISMONG
PILIPINO
Ang wika ang isa sa sumisimbolo ng
pagkakakilanlan ng isang lahi. Makikilala mo ang Koreano, Aleman, Intsik,
Amerikano at iba pa kung mahusay at bihasa sila sa pagsasalita sa kanilang
sariling wika. Kaya ang Wikang Filipino ay hindi lang basta salita kung hindi
ito rin ang sumisimbolo sa pagiging Filipino natin kaalinsabay ng ating kultura.
Ang sa akin lang, ang Wikang Ingles ay sumisimbolo sa mga Amerikano, kaya bakit
kailangan ipilit sa atin ang pagkabihasa rito kung may sarili naman tayong
pagkakakilanlan?
V.
KAHALAGAHAN
a. LIPUNAN
Sa mga makapanonood ng dokumentaryong
ito, maaaring magkaroon kayo ng iba’t ibang persepsyon ukol sa usapin ng wika
pagdating sa gampanin nito sa pagbubuklod ng mga tao sa lipunan. Malinaw na
ipinakita sa dokumentaryo na malaki ang ginagampanan ng wika partikular na ng
Wikang Filipino para sa ikauunlad ng isang komunidad. Tignan na lamang natin
ang wika partikular na ng kinagisnang wika bilang intrumento ng
pakikipagtalastasan sa isang komunidad. Kung ang lahat ng tao ay
nagkakaintindihan, madali ang sistema ng pag-uusap at dahil magaan nilang
naiintindihan ang bawat isa ay madali rin silang nagkakasundo kung mayroon mang
hindi pagkakaunawaan sa isang komunidad.
b. KABUHAYAN
Malaki ang gampanin ng wika sa
pagpapabuti ng kalagayan ng pamumuhay ng isang indibidwal. Maaaring ito ang
maging susi sa lubos na kahusayan ng isang tao sa larangang kanyang pipiliin.
Tulad na lamang ng pagiging Guro. Ang kahusayan ng Guro sa wika ang
magsisilbing susi para sa mas madali at mabisang pagkatuto ng mga mag-aaral sa
kanyang mga aralin. Kung hirap ang Guro sa wikang kanyang ginagamit sa
pagtuturo, paano na lamang ang mga estudyante na mas hirap na intindihin ang
kanyang Guro tuwing ito ay magsasalita.
c. SARILI
Bilang isang mag-aaral na
nagpapakadalubhasa sa Wikang Filipino, masakit na isipin na mismong mga
kababayan natin ang nagsusulong na gamitin ang Wikang Ingles bilang isang wikang
nagbibigay talino sa kapwa nating mga Pilipino. Sana sa darating na panahon ay makita
kong may mataas ng pagkilala ang mga kababayan natin sa sarili nating wika
dahil tulad ng Wikang Ingles na 400 taong hinubog at pinagtibay ng panahon,
dumaan din ito sa pagsubok at sana ito rin ang pagsubok na pinagdadaanan ng
Wikang Filipino sa kasalukuyan. Nais kong ipagmalaki na ako ang isa sa
magsisilbing kasangkapan ng paghubog nito sa paraan ng pagtuturo ng wasto at
tapat na Wikang Filipino sa mga kabataang pag-asa ng hinuhubog nating bayan.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)