Translate

Linggo, Oktubre 23, 2011

I-Witness: Don’t English Me!!!



Dokumentaryo ni Howie Severino 
Isang Pagsusuri
binagong (modified) balangkas


I.                   INTRODUKSYON

            Mahigit sa isaandaang taon nang itinuturo sa mga Pilipino ang Wikang Ingles. Maiuugat ito simula nang sakupin ng mga Amerikano ang bansa at baguhin ang sistema ng edukasyon noong panahong iyon. Sinasabing hindi naman talaga mga Amerikano ang unang nagturo ng Wikang Ingles sa mga Pilipino kung hindi ang mga Briton ngunit dahil na rin sa dalawang taon lang ang inilagi ng mga mananakop na Briton sa bansa, mas nadominahan ito ng mga Amerikano. (landmarks) at inakala na sila ang nagpasok ng Wikang Ingles sa bansa. Sa kasalukuyan, mababakas pa rin ang ilang kadugo (descendants) ng mga mananakop na Briton-Indian sa ilang komunidad sa Cainta sa probinsya ng Rizal, sila ay mas kilala sa tawag na Sepoy.  Hindi man opisyal, kapansin-pansin na nasa ilalim pa rin ng bansang Amerika ang bansa gaya na lamang ng pagdepende ng bansa sa kanilang ekonomiya. Kaya napakalaki na lamang ng pagpupursige ng ilan na matutunan ng kahit na ordinaryong Pilipino ang Wikang Ingles dahil sa pagtingin na ang wikang ito ang mag-aangat sa lahat sa kahirapan na kinasasadlakan magpasahanggang ngayon.

            Ayon sa kasaysayan nagsimulang isulong ang pagpapayabong at pagkilala sa Wikang Filipino noong panahon ni dating Pangulong Quezon ngunit higit na nakita ang rurok nito sa pagdating ng panahon ni dating Pangulong Marcos. Nagkaroon ng ilang batas na lubos na nagpaangat sa Wikang Filipino tulad na lamang ng pagsasa-Filipino ng mga pangalan ng mga ahensyang pampamahalaan at paglalagay  ng Ingles na katawagan sa ilalim nito. Ipinakikita lamang na buong ideyang tinignan ni Marcos na ang Wikang Filipino ay hindi kailanmang mapasasailalim ng Wikang Ingles at sa halip itinaas niya ito dahil naniniwala siyang ang Wikang Filipino ay dapat na katinga-tingala habang ito ay ginagamit sa buong bansa. Subalit nang matapos na ang panahon ni Marcos ay unti-unti na ring nabawasan ang sinasabing pagiging prestiyoso ng Wikang Filipino sa bansa. Nagsimulang magsulputan ang ilang mga ideya na ang Wikang Ingles ang wika ng mga may alam at ito ang maghahatid sa bansa sa ganap na kaunlaran. Dahil sa nasirang ekonomiya ng bansa matapos ang rehimeng Marcos, kinakailangang makakuha ng tulong mula sa mga negosyante (investors) ang bagong pamahalaan at ang unang nagparating ng tulong ay walang iba kung hindi ang bansang Amerika. Ang dambuhalang mga negosyo mula rito ang naging sandalan ng mga Pilipino at dahil sa pagiging mabait ng ating mga kababayan ay tayo na rin ang umarok (adjust) sa kanilang katayuan. Isa sa mga kailangan nating matutunan ay ang pagsasalita ng kanilang wika, ang Wikang Ingles. Kaya napilitan ang pamahalaan na suportahan ang ilang mga institusyon partikular na ang mga paaralan na isulong ang Wikang Ingles para sa pagtuturo ng mga asignatura at higit sa lahat, maging ang simpleng diskurso ay isa-Ingles na rin.

            Ang mga pangyayaring ito ang nagbunsod upang makilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa daigdig na may pinakamaraming populasyon pagdating sa pagsasalita ng Wikang Ingles. Ngunit kung ang kahusayan sa pagsasalita nito ang tatanungin, mukhang mahaba-habang debate ang kailangang pagdaanan.

II.                BUOD

            Nagsimula ang dokumentaryo sa paghahanap ni Howie ng mga karatulang nasa Wikang Ingles at pagtatanong sa mga tao kung anong kamalian ang maaari nilang mapuna mula sa naipakitang karatula. Malinaw na sinusubok ni Howie kung gaano kaaral at kabihasa ang mga Pilipino pagdating sa pagbuo ng mga salita sa Wikang Ingles kasabay na rin sa pagtukoy sa mga ito. May mga kababayan tayong nasagot kung anumang mali sa mga karatula ngunit mayorya sa mga tinanong ni Howie ang hindi gaano kabihasa sa pagtukoy sa tamang gamit ng Wikang Ingles. Sumunod sa ipinakita sa dokumentaryo ay ang batang si Jayson, ilang beses na siyang umulit sa kanyang pag-aaral ngunit patulo at patuloy pa rin niyang hindi matutunan ang Wikang Ingles. Pilit na itinuturo at ibinababa ng antas ng kanyang guro ang patutuo ng Ingles para sa mas madaling pagkakaunawa rito subalit para kay Jayson isa itong parusa na kailangang takasan. Sinasabing malaki ang kinalaman ng uri ng pamumuhay ng isang pamilya sa kagalingan ng isang mag-aaral sa paaralan na kanyang pinapasukan. Tulad ni Jayson na limang piso lamang ang baon sa eskwela at ang kanya pang madalas na kainin sa paaralan ay mga pagkaing wala halos sustansya na makukuha. Sinabi rin sa dokumentaryo na ayon sa mga eksperto, isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit mataas ang drop-out rate sa mga paaralan ay dahil sa wika. Ayon sa bilingual policy ng bansa, grade 1 pa lamang ay kailangan nang ituro sa bata ang Wikang Ingles kasabay ng pagtuturo sa Wikang Filipino. Ito ang nagiging problema ng mga bata dahil ang ang wikang gamit sa pagtuturo sa kanilang ay hindi ang sarili nilang wika tulad na lamang ng mga kababayan nating mga bisaya,ilokano,bikolano at iba pa. dahil masidhi pa rin ang pagtukoy nila sa Wikang Filipino bilang Tagalog. Kaya nagkaroon din ng Multilingual Act. ang bansa para tugunan at bawasan ang suliranin sa pagkatuto ng isang mag-aaral. Sinabi naman ng isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at kilala sa pagsusulong ng Wikang Filipino na si Jovy Peregrino na maaaring ang may problema sa pagkatuto ng Wikang Ingles ay hindi ang mag-aaral kung hindi ang tagapagturo mismo nito. Kung ating susuriin, hindi naman talaga mga tagapagsalita ng Wikang Ingles ang mga ito bagkus natuto lamang sila (second-language learner) ng wika kaya kung ituturo man nila ito, wala silang malalim na kaalaman sa kultura at kasaysayan ng wikang kanilang sinasalita. Ilan din sa pinupunto ni G. Peregrino ay mali na kapag ginamit bilang midyum ng pagtuturo ang Wikang Ingles sa halos lahat ng asignatura ay matututo na ng Wikang Ingles ang isang estudyante. Sinabi niya rin na bakit kahit na isandaang taon mahigit nang ginagamit ang Wikang Ingles sa Pilipinas ay wala pa rin tayong tinatawag na purong komunidad na Wikang Ingles lang ang gamit.

            Isa sa mga paaralan na gumagamit at kinikilala ang Multilingual Act. ay ang Mababang Paaralan ng Lubuagen sa probinsya ng Kalinga. Ayon sa mga guro rito mas naiintindihan ng kanilang mga mag-aaral ang iba’t ibang asignatura kung ito ay ituturo sa unang tatlong taon ng kanilang pag-aaral sa elementary bago nila sundin ang bilingual act. Itinanghal din ang kanilang paaralan biolang isa sa pinakamagaling na paaralang elementary sa buong bansa. Minsan na rin nilang itinuro ang mga asignaturang Agham at Matematika sa Wikang Ingles ngunit hindi ito naging matagumpay na nagbunsod sa pagbagsak para sa pinakamababang bilang ng mga mahuhusay na mag-aaral sa buong bansa. Sa kasalukuyan, may mga batas na isinusulong na Wikang Ingles na lamang ang gamitin bilang wikang panturo sa lahat ng antas ng paaralan sa bansa ngunit hindi pa rin masasabi kung ang planong ito ay maghahatid ba sa atin ng tunay na kaunlaran gayon higit na may magpapatunay na epektibo ang paggamit ng kinagisnang wika sa kaunlaran ng isang indibidwal at komunidad. Maraming debate pa ang maaaring maganap patungkol sa usapin ng wika sa Pilipinas kaya mahirap pang isara ang kabanatang ito para sa ilan na tunay na nagmamalasakit sa Wikang Pambansa.

III.             KAHULUGAN NG PAMAGAT

                 “Don’t English Me”

            Ang “Don’t English Me” sa literal na pagpapakahulugan sa Filipino ay “Huwag mo ‘kong Inglesin”, sa madaling salita, kapag nasa bansang Pilipinas ka matuto kang magsalita ng Filipino. Kaya nahihirapan ang mga kababayan natin na magsalita ng perpektong Ingles dahil wala sa sinasabing sistema ng kultura, kumbaga sa lahi ay hindi mo kadugo. Kaya mahirap para tanggapin dahil walang lukso ng dugo na nagaganap sa pagitan ng Wikang Ingles at tayo mismong mga Pilipino.

IV.             PAGPAPAHALAGA AYON SA NILALAMAN

a.       KALAGAYANG SOSYAL O PANGKABUHAYAN

            Masasabing ang Wikang Ingles ay wika ng mga maykaya sa buhay. Kaya naman kung ang gamit mong wika ay Wikang Filipino, awtomatiko kang mailalagay sa klasipikasyon ng mga mahihirap nating kababayan. Itong maling pananaw na ito ang pilit na ikinikintal sa isipan nating mga Pilipino. Tayo na mismo ang nagpapakumbaba pagdating sa usapin ng wika. Nagiging mababa ang pagtingin natin sa ating sarili kapag Wikang Filipino ang ating sinasalita. Katulad na lamang sa pagiging wikang intelekwal diumano ng Wikang Ingles. Ang sa akin lang naman, hindi ba intelektwal ang mga nagtuturo ng Wikang Filipino dahil ito ang kanilang tinuturo?

b.      KULTURANG PILIPINO
           
            Ang pagiging mapagkumbaba ng mga Pilipino ang naging dahilan kung bakit naging mabilis ang pagtanggap ng Wikang Ingles sa bansa. Dahil ang mga Pilipino ay “ayaw ng away”, tayo na mismo ang lulugar sa kanilang antas. Ang sa akin lang naman, paano mo isisigaw at ipakikilala sa buong mundo ang kulturang Pilipino gayong sarili mo ngang wika na bahagi rin ng iyong kultura ay hirap ka nang ipagtanggol sa iba?

c.       PILOSOPIYANG PILIPINO

            Isa sa mga paborito kong konsepto pagdating sa mga Pilipino ay ang konsepto ni Zeus Salazar na pantayong pananaw, ang Pang-ako, Pantayo, at Pang-silang Pananaw. Ang pang-akong/tayo pananaw ang bibigyan ko ng punto. Ang mga Pilipino ay likas na maalam at bukas para sa iba’t ibang kaalaman, kaya nang ituro at ipasok sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas ang pag-aaral at pagmamasterado ng Wikang Ingles tinanggap ko ito dahil kaya ko naman. Nakaya kong magsalita at makaintindi ng Wikang Ingles dahil ginusto ko rin naman. ganito tayong mga Pilipino, kaya natin ang anumang bagay. Ang sa akin lang, paano ako magiging masterado sa Wikang Ingles gayong hindi pa ako ganap na mahusay sa Wikang Filipino, hindi ko ba kaya?

d.      SIMBOLISMONG PILIPINO

            Ang wika ang isa sa sumisimbolo ng pagkakakilanlan ng isang lahi. Makikilala mo ang Koreano, Aleman, Intsik, Amerikano at iba pa kung mahusay at bihasa sila sa pagsasalita sa kanilang sariling wika. Kaya ang Wikang Filipino ay hindi lang basta salita kung hindi ito rin ang sumisimbolo sa pagiging Filipino natin kaalinsabay ng ating kultura. Ang sa akin lang, ang Wikang Ingles ay sumisimbolo sa mga Amerikano, kaya bakit kailangan ipilit sa atin ang pagkabihasa rito kung may sarili naman tayong pagkakakilanlan?

V.                KAHALAGAHAN

a.       LIPUNAN

            Sa mga makapanonood ng dokumentaryong ito, maaaring magkaroon kayo ng iba’t ibang persepsyon ukol sa usapin ng wika pagdating sa gampanin nito sa pagbubuklod ng mga tao sa lipunan. Malinaw na ipinakita sa dokumentaryo na malaki ang ginagampanan ng wika partikular na ng Wikang Filipino para sa ikauunlad ng isang komunidad. Tignan na lamang natin ang wika partikular na ng kinagisnang wika bilang intrumento ng pakikipagtalastasan sa isang komunidad. Kung ang lahat ng tao ay nagkakaintindihan, madali ang sistema ng pag-uusap at dahil magaan nilang naiintindihan ang bawat isa ay madali rin silang nagkakasundo kung mayroon mang hindi pagkakaunawaan sa isang komunidad.

b.      KABUHAYAN

            Malaki ang gampanin ng wika sa pagpapabuti ng kalagayan ng pamumuhay ng isang indibidwal. Maaaring ito ang maging susi sa lubos na kahusayan ng isang tao sa larangang kanyang pipiliin. Tulad na lamang ng pagiging Guro. Ang kahusayan ng Guro sa wika ang magsisilbing susi para sa mas madali at mabisang pagkatuto ng mga mag-aaral sa kanyang mga aralin. Kung hirap ang Guro sa wikang kanyang ginagamit sa pagtuturo, paano na lamang ang mga estudyante na mas hirap na intindihin ang kanyang Guro tuwing ito ay magsasalita.

c.       SARILI

            Bilang isang mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa Wikang Filipino, masakit na isipin na mismong mga kababayan natin ang nagsusulong na gamitin ang Wikang Ingles bilang isang wikang nagbibigay talino sa kapwa nating mga Pilipino. Sana sa darating na panahon ay makita kong may mataas ng pagkilala ang mga kababayan natin sa sarili nating wika dahil tulad ng Wikang Ingles na 400 taong hinubog at pinagtibay ng panahon, dumaan din ito sa pagsubok at sana ito rin ang pagsubok na pinagdadaanan ng Wikang Filipino sa kasalukuyan. Nais kong ipagmalaki na ako ang isa sa magsisilbing kasangkapan ng paghubog nito sa paraan ng pagtuturo ng wasto at tapat na Wikang Filipino sa mga kabataang pag-asa ng hinuhubog nating bayan.

1 komento: