Translate

Lunes, Marso 7, 2011

Gampanin ng Midya sa Hukuman sa Kasalukuyang Panahon


                                                          Kritikal na Papel ni G. John Lerry C. Dungca
                       Ipinasa kay Prop. Romeo Peña
                       FILI 3153    
                       Ika-7 ng Marso 2011

Layunin:

1)     Malaman ang mga gampanin ng midya sa hukuman sa kasalukuyang panahon.
2)     Matukoy ang mga epekto ng midya sa takbo ng hukuman sa kasalukuyang panahon.
3)     Masuri ang mga gampanin ng midya sa takbo ng hukuman sa kasalukuyang panahon.
4)     Mailahad ang mga suliraning kinahaharap ng midya sa pagtutok sa paglilitis sa hukuman sa kasalukuyang panahon.
5)     Maibigay ang mga pangangailangang panghinaharap kaugnay sa pag-aaral ng gampanin ng midya sa hukuman sa kasalukuyang panahon.

Tungkol saan ang pag-aaral?

            Sa patuloy na pagbabago ng sistema ng pamamahayag sa kasalukuyang panahon, maraming bahagi ng tradisyunal na pagbabalita ang nagkaroon na ng inobasyon. Nariyan ang pagkakaroon ng mga tagapagbalita para sa isang partikular na larangan. Dahil dito, sumulpot ang ideyang pag-aralan ang isang partikular na larangang kinasasangkutan ng midya, iyan ay ang gampanin ng midya sa hukuman. Lalamanin ng pag-aaral na ito ang iba’t ibang gampanin ng midya sa hukuman at ang mga epektong maaaring malikha ng midya sa daloy ng hukuman sa kasalukuyang panahon.


Panimula

            Hindi na lingid sa atin na ang sitwasyon ng pamamahayag ngayon sa Pilipinas ay malayo na ang ipinagkaiba mula sa tradisyunal na paraan ng pamamahayag noong mga nagdaang panahon. Masasabing nagsimula ang pag-usbong ng iba’t ibang makabagong sistema ng pamamahayag sa bansa nang makamit ng ating mga kababayan ang demokrasya mula sa pagpapatupad ng Batas Militar (Martial Law) ng administrasyong Marcos. Nariyan ang pagdami ng mga pahayagan sa sirkulasyon dulot na rin ng matinding pangangailangan ng mga tao na malaman ang mga kaganapan matapos ang nasabing espesyal na bahagi ng kasaysayan ng ating bansa at ang pag-usbong ng mga programang pangtelebisyon na tumatalakay at naglalabas ng mga balita na may kaugnayan pa rin sa nasabing kaganapan.

            Ayon sa Webster’s New World Dictionary, ang midya ang nagsisilbing midyum para maihatid sa mga mamamayan ang impormasyong nanggagaling sa iba’ ibang bahagi o kaganapan sa lipunan (1967), at naipakita ito ng husto matapos makamit ng bansa ang demokrasya noong 1986. Dahil sa kagustuhan ng mga tao na malaman ang lahat at halos oras-oras na mga pangyayari ay masasabing ang panahon na ito ang maituturing na pinakataluktok ng pamamahayag sa Pilipinas.

            Ayon naman sa artikulong The Role of Media (www.caribbeancourtofjustice.org), ang midya ay maituturing na isa sa pinakamataas na estado ng lipunan kung saan, maaaring ang midya ang makapagpatakbo o makapagbigay ng isang desisyon na manggagaling sa tugon ng mga mamamayan. Dito maaaring pumasok ang hangarin ng ilang mamamahayag na mapaniwala ang publiko sa kung anumang balita ang kanilang inilalabas sa bawat araw.

            Sa kasalukuyan, dahil na rin sa demokrasyang tinamasa ng bansa ay maraming inobasyon na ang pinagdaanan ng sistema ng pamamahayag sa bansa. Higit lalo itong makikita sa takbo ng pulitika sa bansa dahil sa mga espekulasyon patungkol sa kalinisan ng daloy ng pulitika sa kasalukuyan at maging mga simpleng mamamayan ng bansa.

            Marami ang naparusahan at marami rin ang napawalang sala ngunit ang mga desisyon na ibinaba galing sa mga hukuman ay hindi maitatangging nagkakaroon ng mga pagdududa galing sa iba’t ibang estado ng buhay. Kaya sa patuloy na inobasyon ng sistema ng pamamahayag sa bansa, nagkaroon na ng ilang espesyal na bahagi ang pagbabalita sa Pilipinas. Nariyan ang pagkakaroon ng mga espesyal na pagbabalita para sa isang partikular na larangan at isa na nga rito ay ang pagbabalita sa takbo ng paglilitis sa mga hukuman.

            Ang gampanin ng midya sa takbo ng paglilitis sa hukuman sa kasalukuyang panahon ang isa sa pinakakritikal na gampanin sa  larangan ng pamamahayag sa bansa, higit lalo itong kinatatakutan dahil na rin sa iba’t ibang pangyayaring maaari nilang kaharapin kaugnay sa kasong tinututukan. Kaya nga dapat maging malinaw sa mga mamamahayag ang kanilang limitasyon kaugnay pa rin sa nasabing bagay at ang tanging sandata lang nila sa mga ito ay ang ilang tulong mula na mismo sa ating pamahalaan.

Ang Gampanin ng Midya
            Ayon sa Aklat na Journalism Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten, ang kalagayan ng Midya sa kasalukuyang panahon ay masasabing bumaba na. Ayon sa mga datos, may mga tao na tinitignan ang midya bilang isang bastos, arogante at instrumento ng lipunan na walang pakialam sa nararamdaman ng ibang tao makakuha lamang ng kanilang istorya. Tulad na lamang ng kanilang pagtatanong sa mga taong nakararanas ng hindi magandang pangyayari sa kanilang buhay. Tinatanong nila ang mga ito ng “Kumusta ka?” o di nama’y “OK lang po ba kayo?” gayong alam naman nila na kung sila man ang makararanas ng mga pangyayaring ito ay hindi rin sila matutuwa kung itatanong sa kanila ang mga nabanggit na tanong. Ang pagiging insensitibo ng ilang mamamahayag ay nakapagpapalala lang sa dinadalang hinagpis ng mga tao. Ang ganitong dulog ng mga mamamahayag ang isa sa mga nakapagbibigay ng hindi magandang pagtingin sa midya sa kabuuan.

            Sa katayuan naman ng gampanin ng midya sa paglilitis sa hukuman, nakitang maaaring makapagpalala pa ng sitwasyon ang magiging dulog ng isang mamamahayag sa kanyang pagtatanong sa mga bagay-bagay patungkol sa isang partikular na kaso. Hindi maiiwasang mamayani sa isang mamamahayag ang isang panig dulot na rin ng mga naitanim (input) na impormasyon sa kanyang isipan ngunit kailangan pa rin nilang panatilihin ang pagiging balance at bukas sa dalawang panig dahil ito ang isa sa mga alituntunin sa pamamahayag.

Ang Tungkulin ng Midya
            Ayon pa rin sa  aklat na Journalism Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten, mayroong iba’t ibang tungkulin ang Midya sa ating lipunan. Ang tungkulin sa Pulitika (function in politics), tungkulin sa ekonomiya (function in economy), tungkulin sa paglilibang (function to entertain) at iba pa.

Tungkulin sa Pulitika

            Ang Midya ang nagsisilbing mata ng sambayanan sa ating gobyerno. Naipapakita ng midya ang kagandahan at kabulukan ng ating pamahalaan at sa mga paglilitis kasangkot ang ilang mga maiimpluwensyang tao sa ating lipunan. Ngunit ang pagbibigay at paghahatid ng katotohanan sa sambayanan ay may kaakibat na responsibilidad. Pinagtitbay din ng malayang pamamahayag ang pagbibigay sa mga mamamayan kung saan at ano ang pinagbabasehan ng mga desisyon ng pamahalaan at mga desisyon sa paglilitis.

            Isa sa pinakatinututukang isyu ng midya ay ang mga kaso sa hukuman na kinasasangkutan ng ilang makapangyarihang personalidad sa pulitika. Ang Maguindanao Massacre ang tinaguriang pinakamalupit na sinapit ng mga mamamahayag sanhi ng kagustuhang maipaabot sa mga mamamayan ang tunay na kalagayan ng pulitika sa Maguindanao, at dahil dito ay napahamak ang karamihan sa kanila sa pamamagitan ng pagpatay at pagbabaon sa kanila. Naging mahirap ang pag-usad ng kaso dahil na rin sa hindi basta-bastang tao ang kanilang kinakalaban. Nahirapan din sundan ang pag-usad ng kaso dahil sa kahilingang na huwag ng ipalabas ang mga balita kaugnay sa daloy ng paglilitis at kung hindi man ay limitahan ang mga ibibigay at ilalabas na impormasyon sa publiko.

            Dahil sa nasabing desisyon, napilitang gumawa ng aksyon ang ilang samahan ng mga mamamahayag sa Pilipinas para maging bukas at matutukan ng husto ang paglilitis sa na sabing kaso.

            Mula sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer Libre na inilabas noong ika-9 ng Nobyembre 2009, narito ang nilalaman ng nasabing aksyon ng mga mamamahayag para sa ikalulutas ng nasabing kaso.

        “Espesyal na Hukuman Hiling ng Taga-midya”

            Hiningi kahapon ng walong samahan ng mga mamamahayag at tatlong pahayagan ang pagbuo sa isang independyenteng komisyong mag-iimbestiga sa Maguindanao o Ampatuan Massacre, ang pag-aresto sa lahat ng sangkot dito, at             pagtatag sa isang espesyal na hukumang didinig sa kaso.
            Iginiit din ng mga mamamahayag ang pagdis-arma sa lahat ng pribadong            armadong grupo, proteksyon sa mga testigo at pagkuha sa mga taong walang bahid dungis para sa pag-iimbestiga.
            Isinaad ang mga hiling sa isang pahayag na may pamagat na A Challenge of     Conscience na nilagdaan ng mga pinuno o kinatawan ng Center for Community       Journalism and Development, Center for Media Freedom and Responsibility, College Editors Guild of the Philippines, Foreign Correspondents Association of the Philippines, Freedom Fund for Filipino Journalists, National Union of Journalists of the Philippines, Philippine Human Rights Reporting Project, Philippine Press Institute, BusinessWorld, Philippine Daily Inquirer at People’s Journal.
            Sinabi nilang dapat magbitiw ang mga nasa pamahalaan kung hindi magagawa           ang kanilang mga hiling.
            Anila, ang masaker ang “ultimate challenge of conscience. It carries the culture    of impunity at work in this country to such levels of horror that, if it remains unpunished for long, can send the nation into an inexorable descent into absolute dehumanization.”
            Ang pagkilos na ito ng mga mamamahayag ay hindi lang isang simpleng pagkilos dahil sa maaaring ito ang magdala sa mas mabilis at mas bukas na proseso na maihahatid sa ating mga mamamayan.

Libelo
            Isa ang kasong libelo sa mga maaaring makasupil sa kalayaan ng pamamahayag sa bansa, higit lalo itong makikita sa mga sensitibong kasong kailangan ihatid sa publiko sa oras na magsimula na ang paglilitis para rito.        

            “If you print that I’ll sue you for everything you own!”- Gulp

            Ayon sa Aklat na Journalism Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten, may mga batas na nagbibigay ng restriksyon sa mga mamamahayag at sa kabuuan ng midya. Ito ang mga kasong libelo na maaaring kaharapin ng isang mamamahayag o ng isang kompanya na naglabas ng impormasyon. Para sa mga paglilitis sa hukuman, may mga partido na nagnanais na isapribado ang daloy ng paglilitis hanggang sa ito ay matapos ngunit dahil na rin sa interes ng estado kailangang ilabas ng ilang mamamahayag ang impormasyong may kaugnayan sa paglilitis na naganap. (Journalism Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten)

            Isa na siguro sa mga pinakakinatatakutang pangyayari ng isang mamamahayag ay ang makasuhan siya ng libelo. Ngunit ang pinakanakagugulat namang katotohanan sa likod ng desisyong ito ay ang dahilan ng malimit na pagsasampa ay ang paglalabas ng mga balitang hindi pumapabor sa kanilang mga sarili.

            Paano nga ba masasabi na ang isang mamamahayag ay maaaring kasuhan ng libelo?
            Ang pagsasabi ba ng katotohanan ay mali para sa ilang may mga posisyon? O sadyang may itinatago lang talaga ang mga ito?

            Malayo pa ang tatakbuhin ng batas na ito na ginawa para mapanatili ang integredad ng isang tao ngunit ginagamit naman ng iba para pagtakpan ang kanilang mga nagawang kasalanan.

Depensa laban sa kasong libelo

            May mga depensang maaaring panghawakan ang mga mamamahayag sa oras na sila ay makapaghatid na ng balita sa publiko.   

            Facts + Both sides stories = Good Reporting

            Maaaring maiwasan ng mga mamamahayag ang kasong libelo sa pamamagitan ng pagbabalita bunga ng katotohanan at pakuha ng istoryang nanggaling sa magkabilang panig. Dapat laging tandaan ng mga mamamahayag na ang pagkuha ng istoryang nanggaling sa dalawang panig ang pinakamagandang halimbawa ng balanseng pamamahayag. (Journalism Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten)

            Maaari rin itong magpakita na ang balanseng pamamahayag ay ang pagbabalitang walang kinikilingan.

Contempt of Court

            Dahil na rin sa mga hindi magandang epekto na nalilikha ng ilang mamamahayag dulot ng maling pagbabalita, nagkaroon ng pamantayan ang mga korte ukol sa paghahatid ng mga balitang nanggaling sa mga paglilitis at sa oras na isa man sa mga pamantayang ito ang malabag, sila ay maaaring humarap sa karampatang kaparusahan.

            Ayon sa aklat na The Mass Media, Reporting- Writing- Editing ni William L. Rivers, mayroong tatlong (3) dahilan ang korte para masabing ang isang mamamahayag ay kanilang dapat parusahan.

1)    Kapag naglabas ang isang mamamahayag ng isang bagay na labag sa ipinag-utos ng korte. Halimbawa na lamang ay ang pagkuha ng mga litrato sa panahon ng paglilitis. Ito ay dapat ikonsulta sa mga nasasakdal higit lalo sa korte. Ang kautusan din ay dapat suportahan ng iba pang batas para masabing legal ang pagsasatupad dahil kung hindi, mawawalan ng saysay ang kautusang ito maging ang pagpaparusa sa mga mamamahayag na lalabag dito.

2)    Paglalabas ng mga balitang nanghihimasok sa mga desisyon at takbo ng hustisya sa bansa. Halimbawa na lamang nito ang maagang pagbabalita sa pagsasara ng isang kaso.

3)    Pagsulat ng mga editoryal na direktang nanghihikayat sa sambayanan tungkol sa desisyon ng isang partikular na kaso sa hukuman. Halimbawa na lamang nito ay ang pagsulat ng isang negatibo o positibong katangian ng isang nasasakdal na maaaring makahikayat sa mga mambabasa na ang taong ito ay walang kasalanan.

            Isa man rito ang labagin ng isang mamamahayag ay nangangahulugan lamang ng pagbabalita ng may kinikilingan at hidi kinikilala ang batas ng patas na pagbabalita. May mga pagkakataon din na hindi sinasadyang magawa ng isang mamamahayag na lumabag sa isa man sa mga pamantayang nabanggit. Ang mamamahayag sa ngalan ng kanyang kinabibilangang grupo ay bibigyan ng ng pagkakataon para maitama at akuin ang pagkakamali sinadya man ito o hindi.

Paglalagom
            Sa kabuuan ng pag-aaral na ito, nakitang hindi madali ang gampanin ng midya ng sa mga paglilitis sa hukuman sa kasalukuyang panahon. Marami sa ating mga mamamahayag ay nalilimitahan dahil na rin sa mga batas na kaakibat ng mga kilos na kanilang ginagawa para sa pagbabalita. Ang mga pagbabalita sa mga pangyayaring nagaganap sa mga paglilitis sa hukuman ay isa sa pinakasensitibong paksa na maaaring kaharapin ng sino mang mamamahayag kaya nagsasagawa ang mga mamamahayag ng ilang konsultasyon sa mga kinauukulan bago at matapos ilabas ang mga balita na may kaugnayan sa mga paglilitis sa hukuman.





Bibliograpiya

A.           Mga Libro

Isang awtor:

            Rivers, William L. The Mass Media, Reporting – Writing – Editing.
           
            Guralnik, David B (1967). Webster’s New World Dictionary, School and Office Edition. National Book Store, Cacho Hermanos Inc.

Dalawang awtor:

            Ferguson, Donald L. and Patten, Jim (1993). Journalism Today, 4th edition, California.
                                               
           
B.           Internet

            The Role of the Media nasa http://www.caribbeancourtofjustice.org/ papersandarticles/ ccj-lake.pdf/ Jan, 2, 2011 4:20 pm


            Espesyal na Hukuman Hiling ng Taga-Midya (Nobyembre 9, 2009) artikulong inilabas sa Philippine Daily Inquirer Libre na kinuha sa www.pdi.com.ph. 

Sabado, Marso 5, 2011

Pagdaot sa daut-dautang lahi


















Nangarap ka noong bata ka pa,
Tiningala ang mga nagtataasang pangarap
at hinangad na matustusan ang mga kagustuhan.

Napadpad ka,
Napadpad ka sa kulungan ng mapanlinlang na karunungan,
Pilit inarok ang mapagpanggap na titulong
Sandata raw sa hinaharap.

Sa wakas,
Nakatakas ka na sa mapanlinlang na kulungan,
Pa’no na ang mga susunod na araw sa iyong buhay?
Ano ang iyong magiging buhay?
Maniniwala ka pa ba sa magandang buhay?

Napadpad ka,
Napadpad ka sa bagong paraisong nagpataas pa lalo sa iyong mga pangarap,
Naging matatag sa pakikisalamuha sa mga espiritong de susi,
Sinasaid ang gasolinang sa iyo’y nagbibigay sigla
at pilit na isinasaisip ang mas magandang paraisong kapalit ng lahat ng iyon.

Lumipas na,
Napupudpod na ang mitsa na sa iba’y nagbibigay liwanag,
Hindi alintana na ito’y paubos na.

Binawi na,
Binawi ka ng tahanang pinagmulan ng lahat ng iyong mga pangarap,
Pangarap na nagdala sa iyo sa kahindik-hindik na hinaharap
at nagpakita sa tunay na mantsa ng mapanlinlang na  paraisong
minsa’y naging instrumento ng paghubog ng iyong sunud-sunurang isipan.

Wala na,
Naglaho na ang mga pangarap na minsa’y nagbigay halaga sa iyong buhay,
Wala na ang mga paghihirap na dulot ng mga espiritong de susi
at wala na ang pag-asa ng iba sa bunga ng iyong mga pangarap.

Binabati kita!
Binabati kita sa’yong pagkatalo…