Isang maaliwalas na araw ang sumalubong sa aming pamamasyal ni Camille sa Mall Of Asia, isang pangkaraniwang araw para sa pagpapalipas oras. Naglibot-libot kami at bumili ng ilang gamit na saglit na makapagbibigay ng aming kasiyahan. Ilang oras ang lumipas, marahil pagod na siya, tama ako, pagod na nga. Simula pa lamang ng sunduin ko siya mula sa kanilang bahay ay napansin ko nang balisa si Camille. Hindi na ako nag-usisa pa bagkus, naisipan kong gamitin ang aming pamamasyal para saglit niyang makalimutan kung ano man ang kaniyang iniisip. Nagtungo kami sa dalampasigan kung saan madalas naming ginugugol ang aming oras sa pakikipagkwentuhan sa isa’t isa. Ngunit kakaiba ang araw na ito, balisa pa rin si Camille. Talo ako, hindi ako nagtagumpay.
Nagpaalam si Camille para magtungo sa pinakamalapit na
palikuran habang ako’y naiwan kalapit ang iba pang magkasintahang sinusulit ang
ganda ng karagatan. Sinundan ko ng tingin si Camille at napansin kong may
kausap siya sa kanyang cellphone.
Inisip ko na baka nag-aalala lang ang kanyang ina kaya hinayaan ko na lang. Gusto
kong magpahinga, inihiga ko muna ang aking likod habang pinagmamasdan ang kalangitan at sa
saglit na pag-ihip ng malamig na hangin, hindi ko inaasahang ako’y makakatulog.
Sa aking paggising, naisip kong ang pagpapahinga ay hindi lang basta pantanggal-pagod, maaari rin itong maging instrumento para saglit mong makalimutan ang mga bagay-bagay. Agad kong nakita si Camille, hindi niya na ako ginising, napansin ko siyang may kung anong isinusulat sa isang papel at nang siya ay aking tawagin ay may kung anong gulat ang namayani sa kanya hanggang sa ang nasabing papel ay tuluyan ng lumipad patungo sa malawak na karagatan. Tinanong ko siya kung ano ang kanyang isinusulat, isang iling lang ang itinugon niya sa akin sabay hila sa aking kamay. Talo ako, talo na naman ako.
Nagtungo kami sa Tram
Stop 3 na katapat lang ng dalampasigan, dito namin inaabangan ang isa sa
mga paborito at madalas naming gawin kapag kami ay namamasyal sa mall, ang paglilibot sakay ng libreng tour bus. Kakaiba talaga ang araw na ito
para sa akin dahil ilang Tram na rin
ang lumagpas sa amin ngunit parang wala talagang balak sumakay si Camille.
Naglakas loob na akong tanungin siya kung ano talaga ang problema ngunit parang
hangin lang na dumadaan sa kanyang paligid ang aking mga hinaing. Inilapat niya
ang kanyang ulo sa aking balikat at nakaramdam ako ng pagkawalang silbi dahil
hindi ko man lang madamayan ang taong dapat ay tinutulungan ko. Talo ako, talo
na naman ako.
Iyak, iyak ang nagpatigil ng mga sandali namin ni Camille.
Tinanong ko ulit siya kung bakit ngunit agad na naman niyang hinila ang aking
mga kamay, isinakay niya ako sa Tram
kasabay ng napipintong pag-alis nito. Nakatayo pa rin si Camille kasabay ng
pagsambit ng mga katagang “buntis ako”. Tuluyan nang umandar ang Tram kasabay ng paulit-ulit na pagsambit
sa aking isipan ng mga katagang binitiwan ni Camille. Agad na sumibol sa aking
isipan ang mga imahe ng mga pinagsamahan naming dalawa at ang sakit ng
katotohan na… wala pala talagang nangyari sa aming dalawa. Talo ako, talo na
naman ako.
Mabuhay
ang mga patay,
Mamatay
ang mga buhay,
Nakakatakot
ang buhay,
Nakakaasar,
Nakakapagod,
Nakakasawa…