Dokumentaryo ni Howie Severino
Isang Pagsusuri
binagong (modified) balangkas
I.
INTRODUKSYON
Mahigit sa isaandaang taon nang
itinuturo sa mga Pilipino ang Wikang Ingles. Maiuugat ito simula nang sakupin
ng mga Amerikano ang bansa at baguhin ang sistema ng edukasyon noong panahong
iyon. Sinasabing hindi naman talaga mga Amerikano ang unang nagturo ng Wikang Ingles
sa mga Pilipino kung hindi ang mga Briton ngunit dahil na rin sa dalawang taon
lang ang inilagi ng mga mananakop na Briton sa bansa, mas nadominahan ito ng
mga Amerikano. (landmarks) at inakala na sila ang nagpasok ng Wikang Ingles sa
bansa. Sa kasalukuyan, mababakas pa rin ang ilang kadugo (descendants) ng mga
mananakop na Briton-Indian sa ilang komunidad sa Cainta sa probinsya ng Rizal,
sila ay mas kilala sa tawag na Sepoy. Hindi man opisyal, kapansin-pansin na nasa
ilalim pa rin ng bansang Amerika ang bansa gaya na lamang ng pagdepende ng bansa
sa kanilang ekonomiya. Kaya napakalaki na lamang ng pagpupursige ng ilan na
matutunan ng kahit na ordinaryong Pilipino ang Wikang Ingles dahil sa pagtingin
na ang wikang ito ang mag-aangat sa lahat sa kahirapan na kinasasadlakan
magpasahanggang ngayon.
Ayon sa kasaysayan nagsimulang
isulong ang pagpapayabong at pagkilala sa Wikang Filipino noong panahon ni
dating Pangulong Quezon ngunit higit na nakita ang rurok nito sa pagdating ng panahon
ni dating Pangulong Marcos. Nagkaroon ng ilang batas na lubos na nagpaangat sa
Wikang Filipino tulad na lamang ng pagsasa-Filipino ng mga pangalan ng mga
ahensyang pampamahalaan at paglalagay ng
Ingles na katawagan sa ilalim nito. Ipinakikita lamang na buong ideyang
tinignan ni Marcos na ang Wikang Filipino ay hindi kailanmang mapasasailalim ng
Wikang Ingles at sa halip itinaas niya ito dahil naniniwala siyang ang Wikang
Filipino ay dapat na katinga-tingala habang ito ay ginagamit sa buong bansa.
Subalit nang matapos na ang panahon ni Marcos ay unti-unti na ring nabawasan
ang sinasabing pagiging prestiyoso ng Wikang Filipino sa bansa. Nagsimulang magsulputan
ang ilang mga ideya na ang Wikang Ingles ang wika ng mga may alam at ito ang
maghahatid sa bansa sa ganap na kaunlaran. Dahil sa nasirang ekonomiya ng bansa
matapos ang rehimeng Marcos, kinakailangang makakuha ng tulong mula sa mga
negosyante (investors) ang bagong pamahalaan at ang unang nagparating ng tulong
ay walang iba kung hindi ang bansang Amerika. Ang dambuhalang mga negosyo mula
rito ang naging sandalan ng mga Pilipino at dahil sa pagiging mabait ng ating
mga kababayan ay tayo na rin ang umarok (adjust) sa kanilang katayuan. Isa sa
mga kailangan nating matutunan ay ang pagsasalita ng kanilang wika, ang Wikang
Ingles. Kaya napilitan ang pamahalaan na suportahan ang ilang mga institusyon
partikular na ang mga paaralan na isulong ang Wikang Ingles para sa pagtuturo
ng mga asignatura at higit sa lahat, maging ang simpleng diskurso ay isa-Ingles
na rin.
Ang mga pangyayaring ito ang nagbunsod
upang makilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa daigdig na may
pinakamaraming populasyon pagdating sa pagsasalita ng Wikang Ingles. Ngunit
kung ang kahusayan sa pagsasalita nito ang tatanungin, mukhang mahaba-habang
debate ang kailangang pagdaanan.
II.
BUOD
Nagsimula ang dokumentaryo sa
paghahanap ni Howie ng mga karatulang nasa Wikang Ingles at pagtatanong sa mga
tao kung anong kamalian ang maaari nilang mapuna mula sa naipakitang karatula.
Malinaw na sinusubok ni Howie kung gaano kaaral at kabihasa ang mga Pilipino
pagdating sa pagbuo ng mga salita sa Wikang Ingles kasabay na rin sa pagtukoy
sa mga ito. May mga kababayan tayong nasagot kung anumang mali sa mga karatula
ngunit mayorya sa mga tinanong ni Howie ang hindi gaano kabihasa sa pagtukoy sa
tamang gamit ng Wikang Ingles. Sumunod sa ipinakita sa dokumentaryo ay ang
batang si Jayson, ilang beses na siyang umulit sa kanyang pag-aaral ngunit
patulo at patuloy pa rin niyang hindi matutunan ang Wikang Ingles. Pilit na
itinuturo at ibinababa ng antas ng kanyang guro ang patutuo ng Ingles para sa
mas madaling pagkakaunawa rito subalit para kay Jayson isa itong parusa na
kailangang takasan. Sinasabing malaki ang kinalaman ng uri ng pamumuhay ng
isang pamilya sa kagalingan ng isang mag-aaral sa paaralan na kanyang
pinapasukan. Tulad ni Jayson na limang piso lamang ang baon sa eskwela at ang
kanya pang madalas na kainin sa paaralan ay mga pagkaing wala halos sustansya
na makukuha. Sinabi rin sa dokumentaryo na ayon sa mga eksperto, isa sa
pinakamalaking dahilan kung bakit mataas ang drop-out rate sa mga paaralan ay dahil sa wika. Ayon sa bilingual policy ng bansa, grade 1 pa lamang ay kailangan nang
ituro sa bata ang Wikang Ingles kasabay ng pagtuturo sa Wikang Filipino. Ito
ang nagiging problema ng mga bata dahil ang ang wikang gamit sa pagtuturo sa
kanilang ay hindi ang sarili nilang wika tulad na lamang ng mga kababayan
nating mga bisaya,ilokano,bikolano at iba pa. dahil masidhi pa rin ang pagtukoy
nila sa Wikang Filipino bilang Tagalog. Kaya nagkaroon din ng Multilingual Act. ang bansa para tugunan
at bawasan ang suliranin sa pagkatuto ng isang mag-aaral. Sinabi naman ng isang
propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at kilala sa pagsusulong ng Wikang
Filipino na si Jovy Peregrino na maaaring ang may problema sa pagkatuto ng
Wikang Ingles ay hindi ang mag-aaral kung hindi ang tagapagturo mismo nito.
Kung ating susuriin, hindi naman talaga mga tagapagsalita ng Wikang Ingles ang
mga ito bagkus natuto lamang sila (second-language learner) ng wika kaya kung
ituturo man nila ito, wala silang malalim na kaalaman sa kultura at kasaysayan
ng wikang kanilang sinasalita. Ilan din sa pinupunto ni G. Peregrino ay mali na
kapag ginamit bilang midyum ng pagtuturo ang Wikang Ingles sa halos lahat ng
asignatura ay matututo na ng Wikang Ingles ang isang estudyante. Sinabi niya
rin na bakit kahit na isandaang taon mahigit nang ginagamit ang Wikang Ingles
sa Pilipinas ay wala pa rin tayong tinatawag na purong komunidad na Wikang
Ingles lang ang gamit.
Isa sa mga paaralan na gumagamit at
kinikilala ang Multilingual Act. ay
ang Mababang Paaralan ng Lubuagen sa probinsya ng Kalinga. Ayon sa mga guro
rito mas naiintindihan ng kanilang mga mag-aaral ang iba’t ibang asignatura
kung ito ay ituturo sa unang tatlong taon ng kanilang pag-aaral sa elementary
bago nila sundin ang bilingual act. Itinanghal din ang kanilang paaralan
biolang isa sa pinakamagaling na paaralang elementary sa buong bansa. Minsan na
rin nilang itinuro ang mga asignaturang Agham at Matematika sa Wikang Ingles
ngunit hindi ito naging matagumpay na nagbunsod sa pagbagsak para sa
pinakamababang bilang ng mga mahuhusay na mag-aaral sa buong bansa. Sa
kasalukuyan, may mga batas na isinusulong na Wikang Ingles na lamang ang
gamitin bilang wikang panturo sa lahat ng antas ng paaralan sa bansa ngunit
hindi pa rin masasabi kung ang planong ito ay maghahatid ba sa atin ng tunay na
kaunlaran gayon higit na may magpapatunay na epektibo ang paggamit ng
kinagisnang wika sa kaunlaran ng isang indibidwal at komunidad. Maraming debate
pa ang maaaring maganap patungkol sa usapin ng wika sa Pilipinas kaya mahirap
pang isara ang kabanatang ito para sa ilan na tunay na nagmamalasakit sa Wikang
Pambansa.
III.
KAHULUGAN NG PAMAGAT
“Don’t English Me”
Ang “Don’t English Me” sa literal na
pagpapakahulugan sa Filipino ay “Huwag mo ‘kong Inglesin”, sa madaling salita,
kapag nasa bansang Pilipinas ka matuto kang magsalita ng Filipino. Kaya
nahihirapan ang mga kababayan natin na magsalita ng perpektong Ingles dahil
wala sa sinasabing sistema ng kultura, kumbaga sa lahi ay hindi mo kadugo. Kaya
mahirap para tanggapin dahil walang lukso ng dugo na nagaganap sa pagitan ng
Wikang Ingles at tayo mismong mga Pilipino.
IV.
PAGPAPAHALAGA AYON SA NILALAMAN
a. KALAGAYANG
SOSYAL O PANGKABUHAYAN
Masasabing ang Wikang Ingles ay wika
ng mga maykaya sa buhay. Kaya naman kung ang gamit mong wika ay Wikang
Filipino, awtomatiko kang mailalagay sa klasipikasyon ng mga mahihirap nating
kababayan. Itong maling pananaw na ito ang pilit na ikinikintal sa isipan
nating mga Pilipino. Tayo na mismo ang nagpapakumbaba pagdating sa usapin ng
wika. Nagiging mababa ang pagtingin natin sa ating sarili kapag Wikang Filipino
ang ating sinasalita. Katulad na lamang sa pagiging wikang intelekwal diumano
ng Wikang Ingles. Ang sa akin lang naman, hindi ba intelektwal ang mga
nagtuturo ng Wikang Filipino dahil ito ang kanilang tinuturo?
b. KULTURANG
PILIPINO
Ang pagiging mapagkumbaba ng mga
Pilipino ang naging dahilan kung bakit naging mabilis ang pagtanggap ng Wikang
Ingles sa bansa. Dahil ang mga Pilipino ay “ayaw ng away”, tayo na mismo ang
lulugar sa kanilang antas. Ang sa akin lang naman, paano mo isisigaw at
ipakikilala sa buong mundo ang kulturang Pilipino gayong sarili mo ngang wika
na bahagi rin ng iyong kultura ay hirap ka nang ipagtanggol sa iba?
c. PILOSOPIYANG
PILIPINO
Isa sa mga paborito kong konsepto
pagdating sa mga Pilipino ay ang konsepto ni Zeus Salazar na pantayong pananaw,
ang Pang-ako, Pantayo, at Pang-silang Pananaw. Ang pang-akong/tayo pananaw ang
bibigyan ko ng punto. Ang mga Pilipino ay likas na maalam at bukas para sa
iba’t ibang kaalaman, kaya nang ituro at ipasok sa sistema ng edukasyon ng
Pilipinas ang pag-aaral at pagmamasterado ng Wikang Ingles tinanggap ko ito
dahil kaya ko naman. Nakaya kong magsalita at makaintindi ng Wikang Ingles
dahil ginusto ko rin naman. ganito tayong mga Pilipino, kaya natin ang anumang
bagay. Ang sa akin lang, paano ako magiging masterado sa Wikang Ingles gayong
hindi pa ako ganap na mahusay sa Wikang Filipino, hindi ko ba kaya?
d. SIMBOLISMONG
PILIPINO
Ang wika ang isa sa sumisimbolo ng
pagkakakilanlan ng isang lahi. Makikilala mo ang Koreano, Aleman, Intsik,
Amerikano at iba pa kung mahusay at bihasa sila sa pagsasalita sa kanilang
sariling wika. Kaya ang Wikang Filipino ay hindi lang basta salita kung hindi
ito rin ang sumisimbolo sa pagiging Filipino natin kaalinsabay ng ating kultura.
Ang sa akin lang, ang Wikang Ingles ay sumisimbolo sa mga Amerikano, kaya bakit
kailangan ipilit sa atin ang pagkabihasa rito kung may sarili naman tayong
pagkakakilanlan?
V.
KAHALAGAHAN
a. LIPUNAN
Sa mga makapanonood ng dokumentaryong
ito, maaaring magkaroon kayo ng iba’t ibang persepsyon ukol sa usapin ng wika
pagdating sa gampanin nito sa pagbubuklod ng mga tao sa lipunan. Malinaw na
ipinakita sa dokumentaryo na malaki ang ginagampanan ng wika partikular na ng
Wikang Filipino para sa ikauunlad ng isang komunidad. Tignan na lamang natin
ang wika partikular na ng kinagisnang wika bilang intrumento ng
pakikipagtalastasan sa isang komunidad. Kung ang lahat ng tao ay
nagkakaintindihan, madali ang sistema ng pag-uusap at dahil magaan nilang
naiintindihan ang bawat isa ay madali rin silang nagkakasundo kung mayroon mang
hindi pagkakaunawaan sa isang komunidad.
b. KABUHAYAN
Malaki ang gampanin ng wika sa
pagpapabuti ng kalagayan ng pamumuhay ng isang indibidwal. Maaaring ito ang
maging susi sa lubos na kahusayan ng isang tao sa larangang kanyang pipiliin.
Tulad na lamang ng pagiging Guro. Ang kahusayan ng Guro sa wika ang
magsisilbing susi para sa mas madali at mabisang pagkatuto ng mga mag-aaral sa
kanyang mga aralin. Kung hirap ang Guro sa wikang kanyang ginagamit sa
pagtuturo, paano na lamang ang mga estudyante na mas hirap na intindihin ang
kanyang Guro tuwing ito ay magsasalita.
c. SARILI
Bilang isang mag-aaral na
nagpapakadalubhasa sa Wikang Filipino, masakit na isipin na mismong mga
kababayan natin ang nagsusulong na gamitin ang Wikang Ingles bilang isang wikang
nagbibigay talino sa kapwa nating mga Pilipino. Sana sa darating na panahon ay makita
kong may mataas ng pagkilala ang mga kababayan natin sa sarili nating wika
dahil tulad ng Wikang Ingles na 400 taong hinubog at pinagtibay ng panahon,
dumaan din ito sa pagsubok at sana ito rin ang pagsubok na pinagdadaanan ng
Wikang Filipino sa kasalukuyan. Nais kong ipagmalaki na ako ang isa sa
magsisilbing kasangkapan ng paghubog nito sa paraan ng pagtuturo ng wasto at
tapat na Wikang Filipino sa mga kabataang pag-asa ng hinuhubog nating bayan.