Translate

Miyerkules, Oktubre 16, 2013

Si Lance at ang Kanyang Pitong Kaibigan



Si Lance at ang Kanyang Pitong Kaibigan
JL Dungca

Walang taong walang kaibigan, mga katagang lahat naman sa atin ay naniniwala. Hayaan niyo akong ikuwento sa inyo kung sino-sino ang aking mga kaibigan, maaari ba?

Si Mark ay palaging may kakaibang pagkilala sa mga tao sa kanyang paligid. Hindi mahalaga sa kanya ang personal na pakikipag-usap bago siya makapagbigay ng anumang persepsyon sa kanyang kapwa. Mahilig siyang mamuna ng mga bagay-bagay base lamang sa panlabas ng kaanyuan ng isang tao at sa kasamaang palad, ito rin ang nagdala sa kanya sa kapahamakan. Minsan niyang sinuri ng tingin ang isang tambay at agad siya nitong grinipuhan.

            Si Ann naman ay maykaya sa buhay, kaya naman lumaking hindi sanay sa mabahong kapaligiran. Anumang lugar na kanyang pupuntahan ay may kaakibat na agarang pag-uusisa patungkol sa kung anong amoy mayroon sa lugar na iyon. Minsan siyang napadaan sa gilid ng basurahan sa isang kalsada at agad na nasambit ang mga katagang tunay ngang sumasalamin sa kanyang pag-uugali at dahil sa gawing ito ng dalaga, isang matinding pambabato ang itinugon sa kanya ng mga namamasura.

            Ang isa ko pang kaibigan ay si Lisa, deretso kung magsalita, kaya naman nagkaroon siya ng kalayaang sabihin sa mga tao ang anumang gusto niyang sabihin sa mga ito. Isang araw, nagkaroon sila nang matinding pag-aaway ng kanyang kaibigan kaya nasambit niya ang lahat ng gusto niyang sabihin dito lalo na ang mga masasakit na salita. Kinabukasan, isang liham ang kanyang natanggap mula sa himpilan ng pulisya.

            Sumunod ay si Anthon, isang palakaibigan na tao, itinuturing din siyang matalik na kaibigan ng ilan. Nasasabihan ng mga problema at higit sa lahat, mga sikreto na sila lamang dapat ang nakaaalam. Kaso sa hindi inaasahang pagkakataon, may kung anong pwersa ang nagtulak kay Anthon na sambitin sa iba ang mga sikreto na nasabi sa kanya at ito ang naging hudyat upang lumayo sa kanya ang kaibigan.

            Isa sa pinakasusubaybayan kong kaibigan ay si Jeff , isang binatang produkto ng kahirapan, maituturing din na palakaibigan ngunit malimit na hindi nagtatagal ang pagsasamang nabubuo dahil ang kanyang mga kaibigan ay itinuturing niyang “kayamanan”, natuto siyang manguha ng mga gamit sa mga ito dahil sa kakapusan na nararanasan.

            Si Andres ang isa sa pinaka-kinaiinggitan ko sa lahat ng aking mga kaibigan, kaya niyang pumunta sa mga lugar na nais niyang puntahan ng walang humahadlang sa kanya. Ngunit isang gabi, nagulat na lamang ako nang mapanood sa isang balita na nahuli siya sa aktong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, labis ang aking pagtataka dahil ni minsan ay hindi ko naman inakala na may koneksyon at kakilala pala siya sa ganoong klaseng lugar. Huli na nang aking mapagtanto na hindi ko pala nasubaybayan ang paglalakbay na ginawa ng kaibigan kong si Andres.

            Bilang panghuli, si Alex, ang kaibigan kong ipinaglihi sa pandesal. Kinahiligan niya ang pagpapaganda ng katawan magmula pa noong kami ay nasa kolehiyo. Kaya ito rin ang naging dahilan kung bakit itong kaibigan kong ‘to ay habulin ng mga kadalagahan saan man siya magpunta. Ang angking kakisigan din ni Alex ang naging dahilan kung bakit siya ngayon ay may apat na anak na. Sa kasamaang palad, ang lahat ng ito ay pawang mga panganay.

            Sila ang aking mga kaibigan, may mga pagkakataon na mapagkakatiwalaan ko sila pero may mga pagkakataon din namang hinahayaan ko lamang na gawin nila kung anuman ang nais nila. Pero sa huli’t huli, masasabi kong ang ating mga kaibigan ay repleksyon lamang kung sino talaga tayo. Lahat tayo ay may kalayaan para sabihin sa ating mga kaibigan na mali o tama ang kanilang mga ginagawa at higit sa lahat, ang pananagutan na sisihin ang ating mga sarili kung ang ating mga kaibigan ay nasadlak sa hindi kagandahang sitwasyon.

            IKAW, anong klaseng kaibigan me’ron ka?

Paggising sa Natutulog na Kamalayan



Paggising sa Natutulog na Kamalayan
ni JL Dungca

“Ang edukasyon ay hindi naituturo, bagkus natututunan”
- Ateneo de Zamboanga University

Nagsimula ang lahat sa isang simpleng tanong, bakit ako nasa paaralan? Bakit kailangan ko pang mag-aral? Tanong naang ilan sa atin ay agarang makasasagot ng “Simple lang, para mag-aral”.  Mahigit isandaang taon na nating isinasabuhay ang konsepto ng pagkakaroon ng edukasyon ng lahat ng tao sa bansa ngunit malinaw ba talaga sa atin ang dahilan kung bakit natin ito kailangang isama bilang bahagi  ng ating buhay.

            Tunay ngang malaki ang pakinabang ng edukasyong natamasa ng isang tao lalo na sa pagsapit niya sa kanyang propesyunal na buhay. Madali niyang naisasapraktika ang mga kasanayang nalinang sa kanya noong siya ay nag-aaral pa at walang kahirap-hirap na nagagawa ang mga bagay na naiatang sa kanya. Sa madaling salita, ang edukasyon ang naghahanda at nagiging bala ng isang tao sa oras na siya ay humarap na sa tunay na laban ng buhay, ang buhay propesyunal.

Nag-aral Ako!

            May mga mag-aaral na nakukuntento sa kung ano ang mga nangyayari sa kanya sa loob ng paaralan. Nakikinig sa kung anong mga aralin ang ibinibigay ng kanyang guro at ginagawa ang mga kahingian na tutugon sa mga pangangailangan ng kanyang kinukuhang asignatura. Sila ang mga mag-aaral na malinaw ang konsepto kung bakit sila pumapasok araw-araw, ito ay para mag-aral.

Natuto Ako!
            May mga mag-aaral na tinitignan ang kanilang pangaraw-araw na karanasan sa loob ng paaralan bilang bahagi ng kanilang gagamiting sandata sa hinaharap. Malimit makita sa mga mag-aaral na ito na kahit na hindi gaanong tumatalim sa kanilang isipan ang mga espesipikong salita kaugnay sa mga aralin ng kanilang guro ay nagkakaroon sila ng kakayahang lumikha ng sariling konsepto upang maipakita pa rin na sila ay tunay na nagbigay-halaga sa oras na inilaan sa kanila ng kanilang guro; sila ang mga mag-aaral na natututo.

Nag-aral vs. Natuto

            Ayon sa prinsipyong pinaniniwalaan ng Ateneo de Zamboanga University, naniniwala ang institusyon na malaki rin ang ginagampanan ng isang mag-aaral para sa kanyang edukasyon. Ilagay na lamang natin sa buhay ng isang guro, masasabi natin na kahit kumpleto sa kahandaan at kasanayan ang guro subalit ang ilan sa kanyang mga mag-aaral ay hindi handang matuto; maaaring magkaroon ng balakid ang una para iparating ang lahat ng aralin sa kanyang mga mag-aaral.

            Ang pagkakaroon ng pagtutulungan sa pagitan ng guro at mag-aaral ay sadyang kailangan upang makamit ang tunay na hangarin ng edukasyon at masabing ang isang mag-aaral ay hindi lang basta nag-aral bagkus siya ay natuto.

Nag-aral ka Lang, Hindi ka Natuto!

            Ang kakayahan ng mga mag-aaral na isabuhay ang mga kaalamang naituro sa kanya ng kanyang guro ang pinakamagandang regalong kaya niyang ibigay dito. Ang paggamit sa mga nalinang na kasanayan at pagbabahagi ng mga kaalaman sa iba ang magpapatunay na ang edukasyon ay tunay na bahagi ng buo nating buhay at hindi lamang sa ilang taon na inilagi natin dito.

            Ang buhay ay isang napakalaking paaralan, may kaakibat na pagkatuto sa bawat pagtahak natin sa buhay at ang pagsasabuhay sa mga pagkatutong ito ang magpapakilala sa atin bilang isang tunay na nilalang na may pagkatuto.