Kritikal na Papel ni G. John Lerry C. Dungca
Ipinasa
kay Prop. Romeo Peña
FILI 3153
Ika-7 ng Marso 2011
|
Layunin:
1)
Malaman ang mga gampanin ng midya sa
hukuman sa kasalukuyang panahon.
2)
Matukoy ang mga epekto ng midya sa takbo
ng hukuman sa kasalukuyang panahon.
3)
Masuri ang mga gampanin ng midya sa
takbo ng hukuman sa kasalukuyang panahon.
4)
Mailahad ang mga suliraning
kinahaharap ng midya sa pagtutok sa paglilitis sa hukuman sa kasalukuyang
panahon.
5)
Maibigay ang mga pangangailangang
panghinaharap kaugnay sa pag-aaral ng gampanin ng midya sa hukuman sa
kasalukuyang panahon.
Tungkol saan ang
pag-aaral?
Sa patuloy na pagbabago ng sistema
ng pamamahayag sa kasalukuyang panahon, maraming bahagi ng tradisyunal na
pagbabalita ang nagkaroon na ng inobasyon. Nariyan ang pagkakaroon ng mga
tagapagbalita para sa isang partikular na larangan. Dahil dito, sumulpot ang
ideyang pag-aralan ang isang partikular na larangang kinasasangkutan ng midya,
iyan ay ang gampanin ng midya sa hukuman. Lalamanin ng pag-aaral na ito ang iba’t
ibang gampanin ng midya sa hukuman at ang mga epektong maaaring malikha ng
midya sa daloy ng hukuman sa kasalukuyang panahon.
Panimula
Hindi na lingid sa atin na ang
sitwasyon ng pamamahayag ngayon sa Pilipinas ay malayo na ang ipinagkaiba mula
sa tradisyunal na paraan ng pamamahayag noong mga nagdaang panahon. Masasabing
nagsimula ang pag-usbong ng iba’t ibang makabagong sistema ng pamamahayag sa
bansa nang makamit ng ating mga kababayan ang demokrasya mula sa pagpapatupad
ng Batas Militar (Martial Law) ng administrasyong Marcos. Nariyan ang pagdami
ng mga pahayagan sa sirkulasyon dulot na rin ng matinding pangangailangan ng
mga tao na malaman ang mga kaganapan matapos ang nasabing espesyal na bahagi ng
kasaysayan ng ating bansa at ang pag-usbong ng mga programang pangtelebisyon na
tumatalakay at naglalabas ng mga balita na may kaugnayan pa rin sa nasabing
kaganapan.
Ayon sa Webster’s New World Dictionary, ang midya ang nagsisilbing midyum
para maihatid sa mga mamamayan ang impormasyong nanggagaling sa iba’ ibang
bahagi o kaganapan sa lipunan (1967), at naipakita ito ng husto matapos makamit
ng bansa ang demokrasya noong 1986. Dahil sa kagustuhan ng mga tao na malaman
ang lahat at halos oras-oras na mga pangyayari ay masasabing ang panahon na ito
ang maituturing na pinakataluktok ng pamamahayag sa Pilipinas.
Ayon
naman sa artikulong The Role of Media (www.caribbeancourtofjustice.org),
ang midya ay maituturing na isa sa pinakamataas na estado ng lipunan kung saan,
maaaring ang midya ang makapagpatakbo o makapagbigay ng isang desisyon na
manggagaling sa tugon ng mga mamamayan. Dito maaaring pumasok ang hangarin ng
ilang mamamahayag na mapaniwala ang publiko sa kung anumang balita ang kanilang
inilalabas sa bawat araw.
Sa kasalukuyan, dahil na rin sa
demokrasyang tinamasa ng bansa ay maraming inobasyon na ang pinagdaanan ng
sistema ng pamamahayag sa bansa. Higit lalo itong makikita sa takbo ng pulitika
sa bansa dahil sa mga espekulasyon patungkol sa kalinisan ng daloy ng pulitika
sa kasalukuyan at maging mga simpleng mamamayan ng bansa.
Marami ang naparusahan at marami rin
ang napawalang sala ngunit ang mga desisyon na ibinaba galing sa mga hukuman ay
hindi maitatangging nagkakaroon ng mga pagdududa galing sa iba’t ibang estado
ng buhay. Kaya sa patuloy na inobasyon ng sistema ng pamamahayag sa bansa,
nagkaroon na ng ilang espesyal na bahagi ang pagbabalita sa Pilipinas. Nariyan
ang pagkakaroon ng mga espesyal na pagbabalita para sa isang partikular na larangan
at isa na nga rito ay ang pagbabalita sa takbo ng paglilitis sa mga hukuman.
Ang gampanin ng midya sa takbo ng
paglilitis sa hukuman sa kasalukuyang panahon ang isa sa pinakakritikal na
gampanin sa larangan ng pamamahayag sa
bansa, higit lalo itong kinatatakutan dahil na rin sa iba’t ibang pangyayaring
maaari nilang kaharapin kaugnay sa kasong tinututukan. Kaya nga dapat maging
malinaw sa mga mamamahayag ang kanilang limitasyon kaugnay pa rin sa nasabing
bagay at ang tanging sandata lang nila sa mga ito ay ang ilang tulong mula na
mismo sa ating pamahalaan.
Ang
Gampanin ng Midya
Ayon sa Aklat na Journalism
Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten, ang
kalagayan ng Midya sa kasalukuyang panahon ay masasabing bumaba na. Ayon sa mga
datos, may mga tao na tinitignan ang midya bilang isang bastos, arogante at instrumento
ng lipunan na walang pakialam sa nararamdaman ng ibang tao makakuha lamang ng
kanilang istorya. Tulad na lamang ng kanilang pagtatanong sa mga taong
nakararanas ng hindi magandang pangyayari sa kanilang buhay. Tinatanong nila
ang mga ito ng “Kumusta ka?” o di nama’y “OK lang po ba kayo?” gayong alam
naman nila na kung sila man ang makararanas ng mga pangyayaring ito ay hindi
rin sila matutuwa kung itatanong sa kanila ang mga nabanggit na tanong. Ang
pagiging insensitibo ng ilang mamamahayag ay nakapagpapalala lang sa dinadalang
hinagpis ng mga tao. Ang ganitong dulog ng mga mamamahayag ang isa sa mga
nakapagbibigay ng hindi magandang pagtingin sa midya sa kabuuan.
Sa katayuan naman ng gampanin ng midya sa paglilitis sa
hukuman, nakitang maaaring makapagpalala pa ng sitwasyon ang magiging dulog ng
isang mamamahayag sa kanyang pagtatanong sa mga bagay-bagay patungkol sa isang
partikular na kaso. Hindi maiiwasang mamayani sa isang mamamahayag ang isang
panig dulot na rin ng mga naitanim (input) na impormasyon sa kanyang isipan
ngunit kailangan pa rin nilang panatilihin ang pagiging balance at bukas sa
dalawang panig dahil ito ang isa sa mga alituntunin sa pamamahayag.
Ang
Tungkulin ng Midya
Ayon pa rin sa
aklat na Journalism Today; 4th
Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten, mayroong iba’t ibang tungkulin
ang Midya sa ating lipunan. Ang tungkulin sa Pulitika (function in politics),
tungkulin sa ekonomiya (function in economy), tungkulin sa paglilibang
(function to entertain) at iba pa.
Tungkulin sa Pulitika
Ang Midya ang nagsisilbing mata ng sambayanan sa ating
gobyerno. Naipapakita ng midya ang kagandahan at kabulukan ng ating pamahalaan
at sa mga paglilitis kasangkot ang ilang mga maiimpluwensyang tao sa ating
lipunan. Ngunit ang pagbibigay at paghahatid ng katotohanan sa sambayanan ay
may kaakibat na responsibilidad. Pinagtitbay din ng malayang pamamahayag ang
pagbibigay sa mga mamamayan kung saan at ano ang pinagbabasehan ng mga desisyon
ng pamahalaan at mga desisyon sa paglilitis.
Isa sa pinakatinututukang isyu ng midya ay ang mga kaso
sa hukuman na kinasasangkutan ng ilang makapangyarihang personalidad sa
pulitika. Ang Maguindanao Massacre
ang tinaguriang pinakamalupit na sinapit ng mga mamamahayag sanhi ng
kagustuhang maipaabot sa mga mamamayan ang tunay na kalagayan ng pulitika sa
Maguindanao, at dahil dito ay napahamak ang karamihan sa kanila sa pamamagitan
ng pagpatay at pagbabaon sa kanila. Naging mahirap ang pag-usad ng kaso dahil
na rin sa hindi basta-bastang tao ang kanilang kinakalaban. Nahirapan din
sundan ang pag-usad ng kaso dahil sa kahilingang na huwag ng ipalabas ang mga
balita kaugnay sa daloy ng paglilitis at kung hindi man ay limitahan ang mga
ibibigay at ilalabas na impormasyon sa publiko.
Dahil sa nasabing desisyon, napilitang gumawa ng aksyon
ang ilang samahan ng mga mamamahayag sa Pilipinas para maging bukas at
matutukan ng husto ang paglilitis sa na sabing kaso.
Mula sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer Libre na inilabas noong ika-9 ng
Nobyembre 2009, narito ang nilalaman ng nasabing aksyon ng mga mamamahayag para
sa ikalulutas ng nasabing kaso.
“Espesyal
na Hukuman Hiling ng Taga-midya”
Hiningi
kahapon ng walong samahan ng mga mamamahayag at tatlong pahayagan ang pagbuo sa isang independyenteng komisyong
mag-iimbestiga sa Maguindanao o Ampatuan
Massacre, ang pag-aresto sa lahat ng sangkot dito, at pagtatag sa isang espesyal na hukumang didinig sa kaso.
Iginiit
din ng mga mamamahayag ang pagdis-arma sa lahat ng pribadong armadong grupo, proteksyon sa mga
testigo at pagkuha sa mga taong walang bahid
dungis para sa pag-iimbestiga.
Isinaad
ang mga hiling sa isang pahayag na may pamagat na A Challenge of Conscience na nilagdaan ng mga pinuno o kinatawan ng
Center for Community Journalism and
Development, Center for Media Freedom and Responsibility, College Editors Guild of the Philippines,
Foreign Correspondents Association of the
Philippines, Freedom Fund for Filipino
Journalists, National Union of Journalists
of the Philippines, Philippine Human Rights Reporting Project, Philippine Press Institute,
BusinessWorld, Philippine Daily
Inquirer at People’s Journal.
Sinabi
nilang dapat magbitiw ang mga nasa pamahalaan kung hindi magagawa ang kanilang mga hiling.
Anila,
ang masaker ang “ultimate challenge of
conscience. It carries the culture of
impunity at work in this country to such levels of horror that, if it remains unpunished for long, can send the nation into
an inexorable descent into absolute dehumanization.”
Ang
pagkilos na ito ng mga mamamahayag ay hindi lang isang simpleng pagkilos dahil
sa maaaring ito ang magdala sa mas mabilis at mas bukas na proseso na
maihahatid sa ating mga mamamayan.
Libelo
Isa ang kasong libelo sa mga maaaring makasupil sa
kalayaan ng pamamahayag sa bansa, higit lalo itong makikita sa mga sensitibong
kasong kailangan ihatid sa publiko sa oras na magsimula na ang paglilitis para
rito.
“If you print that I’ll sue you for
everything you own!”- Gulp
Ayon sa Aklat na Journalism
Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten, may mga
batas na nagbibigay ng restriksyon sa mga mamamahayag at sa kabuuan ng midya.
Ito ang mga kasong libelo na maaaring kaharapin ng isang mamamahayag o ng isang
kompanya na naglabas ng impormasyon. Para sa mga paglilitis sa hukuman, may mga
partido na nagnanais na isapribado ang daloy ng paglilitis hanggang sa ito ay
matapos ngunit dahil na rin sa interes ng estado kailangang ilabas ng ilang
mamamahayag ang impormasyong may kaugnayan sa paglilitis na naganap. (Journalism Today; 4th Edition nina
Donald Ferguson at Jim Patten)
Isa na siguro sa mga pinakakinatatakutang pangyayari ng
isang mamamahayag ay ang makasuhan siya ng libelo. Ngunit ang pinakanakagugulat
namang katotohanan sa likod ng desisyong ito ay ang dahilan ng malimit na
pagsasampa ay ang paglalabas ng mga balitang hindi pumapabor sa kanilang mga
sarili.
Paano nga ba masasabi na ang isang mamamahayag ay
maaaring kasuhan ng libelo?
Ang pagsasabi ba ng katotohanan ay mali para sa ilang may
mga posisyon? O sadyang may itinatago lang talaga ang mga ito?
Malayo pa ang tatakbuhin ng batas na ito na ginawa para
mapanatili ang integredad ng isang tao ngunit ginagamit naman ng iba para
pagtakpan ang kanilang mga nagawang kasalanan.
Depensa
laban sa kasong libelo
May mga depensang maaaring panghawakan ang mga
mamamahayag sa oras na sila ay makapaghatid na ng balita sa publiko.
Facts + Both sides stories = Good
Reporting
Maaaring maiwasan ng mga mamamahayag ang kasong libelo sa
pamamagitan ng pagbabalita bunga ng katotohanan at pakuha ng istoryang
nanggaling sa magkabilang panig. Dapat laging tandaan ng mga mamamahayag na ang
pagkuha ng istoryang nanggaling sa dalawang panig ang pinakamagandang halimbawa
ng balanseng pamamahayag. (Journalism
Today; 4th Edition nina Donald Ferguson at Jim Patten)
Maaari rin itong magpakita na ang balanseng pamamahayag
ay ang pagbabalitang walang kinikilingan.
Contempt
of Court
Dahil na rin sa mga hindi
magandang epekto na nalilikha ng ilang mamamahayag dulot ng maling pagbabalita,
nagkaroon ng pamantayan ang mga korte ukol sa paghahatid ng mga balitang
nanggaling sa mga paglilitis at sa oras na isa man sa mga pamantayang ito ang
malabag, sila ay maaaring humarap sa karampatang kaparusahan.
Ayon sa aklat na The
Mass Media, Reporting- Writing- Editing ni William L. Rivers, mayroong tatlong
(3) dahilan ang korte para masabing ang isang mamamahayag ay kanilang dapat
parusahan.
1)
Kapag naglabas ang isang mamamahayag ng isang
bagay na labag sa ipinag-utos ng korte. Halimbawa na lamang ay ang pagkuha ng
mga litrato sa panahon ng paglilitis. Ito ay dapat ikonsulta sa mga nasasakdal
higit lalo sa korte. Ang kautusan din ay dapat suportahan ng iba pang batas
para masabing legal ang pagsasatupad dahil kung hindi, mawawalan ng saysay ang
kautusang ito maging ang pagpaparusa sa mga mamamahayag na lalabag dito.
2)
Paglalabas ng mga balitang nanghihimasok sa mga
desisyon at takbo ng hustisya sa bansa. Halimbawa na lamang nito ang maagang pagbabalita
sa pagsasara ng isang kaso.
3)
Pagsulat ng mga editoryal na direktang
nanghihikayat sa sambayanan tungkol sa desisyon ng isang partikular na kaso sa
hukuman. Halimbawa na lamang nito ay ang pagsulat ng isang negatibo o
positibong katangian ng isang nasasakdal na maaaring makahikayat sa mga
mambabasa na ang taong ito ay walang kasalanan.
Isa man rito ang labagin ng isang mamamahayag ay
nangangahulugan lamang ng pagbabalita ng may kinikilingan at hidi kinikilala
ang batas ng patas na pagbabalita. May mga pagkakataon din na hindi sinasadyang
magawa ng isang mamamahayag na lumabag sa isa man sa mga pamantayang nabanggit.
Ang mamamahayag sa ngalan ng kanyang kinabibilangang grupo ay bibigyan ng ng
pagkakataon para maitama at akuin ang pagkakamali sinadya man ito o hindi.
Paglalagom
Sa kabuuan ng pag-aaral na ito, nakitang hindi madali ang
gampanin ng midya ng sa mga paglilitis sa hukuman sa kasalukuyang panahon.
Marami sa ating mga mamamahayag ay nalilimitahan dahil na rin sa mga batas na
kaakibat ng mga kilos na kanilang ginagawa para sa pagbabalita. Ang mga
pagbabalita sa mga pangyayaring nagaganap sa mga paglilitis sa hukuman ay isa
sa pinakasensitibong paksa na maaaring kaharapin ng sino mang mamamahayag kaya
nagsasagawa ang mga mamamahayag ng ilang konsultasyon sa mga kinauukulan bago
at matapos ilabas ang mga balita na may kaugnayan sa mga paglilitis sa hukuman.
Bibliograpiya
A.
Mga Libro
Isang awtor:
Rivers, William
L. The Mass Media, Reporting – Writing – Editing.
Guralnik, David B
(1967). Webster’s New World Dictionary,
School and Office Edition. National Book Store, Cacho Hermanos Inc.
Dalawang awtor:
Ferguson, Donald
L. and Patten, Jim (1993). Journalism
Today, 4th edition, California.
B.
Internet
The Role of the
Media nasa http://www.caribbeancourtofjustice.org/ papersandarticles/ ccj-lake.pdf/
Jan, 2, 2011 4:20 pm
Espesyal na
Hukuman Hiling ng Taga-Midya (Nobyembre 9, 2009) artikulong inilabas sa
Philippine Daily Inquirer Libre na kinuha sa www.pdi.com.ph.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento